KAHAPON tinapos ni President Noynoy Aquino ang mga haka-haka na muli siyang tatakbo sa 2016 elections kapag naamyendahan ang Konstitusyon. Wala na raw siyang balak. Malinaw ang kanyang pagkakasabi na wala na siyang hangaring tumakbo. Tapos na ang mga pag-aalinlangan. Hiniling ni P-Noy na ang ihalal ng mamamayan ay ang may magagawa para sa bayan. Halos katulad din ito ng sinabi niya sa kanyang SONA na ang nararapat ihalal ay ang magpapatuloy ng kanyang mga sinimulan. Sabi niya: “Sa 2016, pipili kayo ng bagong pinuno ng ating bayan. Ang sa akin lang po: Para ipagpatuloy at mas mapabilis pa ang pagbabagong tinatamasa na ng ating lipunan, iisa lang ang batayan sa pagpili ng papalit sa akin: Sino ang wala ni katiting na dudang magpapatuloy sa transpormasyong ating isinakatuparan?”
Mabuti naman at tinapos na ni P-Noy ang ilang buwan ding haka-haka ng mamamayan na tatakbo siya sa 2016 sa sandaling maamyendahan ang 1987 Constitution. Makakahinga na nang maluwag ang marami o ang kanyang mga “boss”. Sa isang survey, marami ang ayaw nang tumakbo pa si P-Noy sa ikalawang pagkakataon.
Gayahin daw ang ginawa ng ina nitong si dating President Cory Aquino na mahigpit ang paglaban sa term extension.
Maaaring pinakinggan ni P-Noy ang kanyang mga “boss” kaya ipinasyang huwag nang tumakbo. Malakas ang panawagan na huwag nang umulit ng isa pang termino at sa halip ay ituon na lamang ang panahon sa nalalabing dalawang taon ng panunungkulan.
Maraming problema ang bansa. Marami pang hindi nakakabangon sa mga trahedya — binagyo, binaha, nilindol, pininsala ng mga rebeldeng MNLF, at ang lumalaganap na corruption sa mga ahensiya ng pamahalaan. Patuloy din naman ang kriminalidad. Ang mga ito ang dapat pagtuunan ng panahon.
Salamat at nakinig siya sa mga “boss’’.