Manong Wen (94)

PATULOY sa pagkukuwento si Princess kay Precious. Hinahabol nito ang paghinga. Halatang natakot sa dalawang lalaking nag-aabang sa gate ng kanilang eskuwelahan.

Patuloy din naman sa pa­­kikinig ang nakakubling si Jo. Halos hindi humihinga si Jo habang nakikinig sa pag-uusap ng magkapatid.

“Papalabas na nga ako kaninang alas singko nang bigla kong makita ang dalawang kahina-hinalang lalaki na nag-aabang sa may gate. Namukhaan ko ang isa. Tauhan ni Chester!’’

“Diyos ko, anong ginawa mo Ate?’’

“Atras ako. Delikado. May­roon silang masamang gagawin sa akin. Parang planado na ang lahat. Palagay ko ma­tagal na silang nag-aabang sa akin. Bawat lumalabas na estudyante ay isa-isa nilang tinitingnan. Napansin ko na ang isa sa mga lalaki ay may hawak na picture. Palagay ko, picture ko ‘yun...’’

“Paano sila nagkaroon ng picture mo, Ate?’’

“Siguro dahil kay Chester.’’

“Bakit nagkaroon si Chester? Binigyan mo siya ng picture noon?’’

Sa tanong na iyon ay tila may nadamang kirot ang nakikinig na si Jo. Ba’t kaya parang kilalang-kilala ni Princess si Chester? Ano ni Princess si Chester.

Ipinagpatuloy niya ang pakikinig.

“Oo, binigyan ko ng picture si Chester pero para yun sa class organization namin noong classmate pa kami. Isa siya sa lider ng org. Siya ang nangungulekta ng photos ng miyembro.’’

‘‘At iyon ang dala ng dalawang lalaki na nag-aabang sa iyo.’’

“Oo. Malakas ang kutob ko.’’

“Anong nangyari pagkatapos, Ate?’’

“Nagbalik ako sa loob ng school. Nag-isip ako ng paraan kung paano makakalabas na hindi magdaraan sa main gate. Litong-lito ako at kinakabahan. Tiyak na nagtataka ang dalawang lalaki kung bakit hindi pa ako luma­labas. At siguro, nung inaakala nila na hindi na ako lalabas baka nag-iisip ng paraan kung paano makakapasok sa school. Baka pakiusapana ang guwardiya o baka tutukan ng baril para lang makapasok. Kung anu-ano ang naisip kong gagawin ng dalawang lalaki para ako makidnap.

“Ang isa pang naisip ko, baka ipinasya nilang umikot sa vicinity ng school. Baka naisip nila nagdaan ako sa likod. Kung anu-ano pa ang naisip ko. Tuliro na ako kung paano makakalabas sa school na hindi makikita ng dalawang lalaki.

‘‘Ang ginawa ko pumasok ako sa comfort room. In case na makapasok sa loob ng campus ang dalawang lalaki, hindi agad ako makikita sa CR. Pumasok ako sa cubicle at naupo sa inidoro na kunwari ay umiihi. Pero nagdadasal ako sa Diyos na sana’y huwag akong makita ng dalawang lalaki at makalabas nang ligtas sa school. Tinawag ko na pati ang guardian angel ko na tulungan akong makalabas sa school nang ligtas.

“Hindi ko alam kung gaano katagal sa pagkakaupo sa inidoro at nagdarasal nang taimtim. Hanggang sa ipinas­ya ko nang lumabas. Noon ay mag-aalas siyete na. Ibig sabihin, halos magdadalawang oras akong nasa loob ng CR at nagdadasal.

“Paglabas ko ng cubicle, isang janitress ang aking na­kita. Malaking babae at naka-puti ang uniporme. Nagtanong ako sa janitress kung mayroon siyang alam na puwedeng daanan sa likod ng school. Sinabi ko na mayroon akong iniiwasan sa gate kaya gusto sa likod sana magdaan. Sabi ng janitress, meron daw. Baka raw gusto ko na sa kanya na sumabay kasi off na niya. Pauwi na rin siya. Natuwa ako at bahagyang nawala ang takot. Sabi ko’y sasabay ako sa kanya.

“Lumabas kami sa CR at naglakad sa sinasabing dinadaanan sa likod. Pawang mga puno pala ang nasa likod ng school. Hanggang sa makita ko ang maliit na gate na halos kasyahan ang isang tao. Sabi ng janitress dun kami dadaan.

“Pero bago kami nakarating sa gate, isang motorsiklo na naka-park sa isang puno ang kinuha ng janitress. Sinakyan at pinaandar. Dinampot ang helmet na nakasabit sa handle ng motor at isinuot. Pagkatapos ay lumapit sa akin at pinasakay ako. Atubili ako. Pero dahil sa gusto ko nang makauwi para makaligtas sa dalawang lalaki na nag-aabang sa akin, sumakay na ako. Sabi ng janitress, humawak ako sa baywang niya. Humawak ako. Paghawak ko, pinaarangkada niya. Lumusot kami sa gate na halos kasyahan ang tao. Walang kasabit-sabit na nagdaan kami sa gate. Parang wala kaming nadaanan dahil sa bilis. Sa bilis ng takbo, napagaspas ang buhok ko. Humawak ako nang mahigpit sa baywang niya.

‘‘Sa sobrang bilis, hindi ko nakita ang dinaanan namin. At namalayan ko, nariyan na kami sa harap ng bahay natin. Hindi ako makapaniwala!

‘‘Nagpasalamat ako sa janitress. Tinanong ko ang name niya pero hindi sinabi at mabilis na umalis. Biglang nawala sa paningin ko! Hindi ako makapaniwala, Precious...’’

Si Precious ay nakati­ngin sa kanyang Ate. Hindi rin makapaniwala sa ikinuwento ng kapatid.

Maski si Jo ay ganoon din pala ang naiisip. Nagtatanong siya sa sarili. Sino ang janitress na iyon na puting-puti ang uniporme na tumulong kay Princess?

(Itutuloy)

Show comments