Hating-Kapatid

PROBLEMA sa aming magkapatid ang paghahatian ng pagkain noong bata pa kami. Ang madalas na hatiin ay iyong pasalubong ng aking tatay kapag umuwi siya galing sa Maynila. Ang madalas niyang pasalubong ay ubas, mansanas at chocolate cake. Walang problema sa mansanas dahil mabilis hatiin, per piraso. Pinagtitiyagaan bilangin ng aking nanay ang ubas para walang gulo sa hatian. Noon ay dalawa pa lang kaming magkapatid. Hindi pa isinisilang si Bunso.

Espesyal na chocolate cake ang binibili ng aking tatay sa isang bakeshop sa Quiapo. Sa paghahatian ng cake kami hindi magkasundong magkapatid. Unahan kami kung sino ang maghahati. Pareho kaming madaya. Kapag naunahan ako ng aking kapatid sa paghahati, nilalakihan niya ang isang portion para ‘yun ang kanyang share. May naisip ang aking nanay para tumigil na kami sa pagdadayaan: Kung sino ang maghahati ng cake, siya ang huling kukuha ng kanyang share. Kung sino ang hindi napagod sa paghahati, siya ang may pribilehiyo na maunang pumili ng kanyang share.

Maganda ang naisip ng aking nanay. Kapag ako ang inatasang maghati ng cake, sinisigurado ko na pantay ang ginagawa kong paghahati. Para kahit sino ang mauna o mahuli sa pagkuha ng share, walang maaapi sa hatian. Sa simpleng hatian ng cake ko natutuhan ang pagiging “parehas” at pagrespeto sa karapatan ng ibang tao.

 

             

Show comments