N AKITA ni Jo na inilabas ng isang lalaki ang picture nang kanilang target. Hindi makita ni Jo ang nasa picture dahil maliit lang iyon pero dinig na dinig niya ang usapan.
“Ang ganda pala, Maxie!’’ sabi ng isa sa lalaki.
“Oo maganda talaga ‘yan.”
“Anong pangalan?”
“Hindi ko alam pero nagtitinda raw yan ng bibingka.’’
“Talaga?’’
Sa narinig ni Jo, kumpirmadong si Princess nga ang inaabangan ng dalawang lalaki. At ang dalawang lalaki ay mga tauhan ni Chester!
Nag-usap pa ang dalawa.
“Four thirty na Maxie, sigurado ka bang alas-singko lalabas ang inaabangan natin?”
“Oo. Kulit mo Bart.’’
“Sinisiguro ko lang. Baka abang tayo nang abang dito e wala pala naman.’’
“Nandiyan si Bibingka. Kaunting tiis na lang at makukuha na natin siya.’’
“Sigurado ka ba na kapag nakuha natin si Bibingka ay may bonus tayo kay Chester.”
“Oo. Malaking bonus!”
Nag-iisip si Jo ng paraan kung paano makakapasok sa school para mabigyan ng warning si Princess. Kailangang makapasok siya ngayon din para maipaalam na dalawang lalaki ang nag-aabang para siya kidnapin. Lalantad na siya kay Princess. Wala nang magagawa pa kundi iyon.
Mabilis siyang nagtungo sa entrance gate. Eksakto namang umalis sa kanyang puwesto ang guard. Sinamantala iyon ni Jo. Sumalisi siya. Hanggang sa makapasok siya.
Tiningnan niya ang relo, eksaktong alas singko!
Naglakad siya papasok sa building. Doon siya mag-aabang kay Princess. Maya-maya pa, nakita na niya ang paglabas ng mga estudyante. Kailangang makita niya si Princess! Delikado siya sa dalawang lalaki.
(Itutuloy)