PATULOY na umiinit ang away ng mga pulitiko sa bansa kaugnay ng nalalapit na 2016 presidential elections.
Sa ngayon, si Vice President Jejomar Binay ang pinaka-unang umamin at nagkumpirma na kakandidatong President sa 2016 elections.
Ayon naman sa Liberal Party, si DILG secretary Mar Roxas ang kanilang manok sa 2016.
Kunwari pang ayaw umamin ni Roxas pero nakikita naman sa kilos at gawa niya.
Trabaho lang daw muna si Roxas at ayaw makisawsaw sa tensiyon ng pulitika pero siya at mga kaalyado sa LP ay pinagbibintangang may pakana ng Oplan Stop Nognog 2016.
Umepekto na ang mga banat kay Binay na mga alegasyon ng katiwalian na lumutang sa isinasagawang imbestigasyon ng Senate blue ribbon sub-committee. Bumagsak na ang kanyang rating sa mga isinagawang survey. Sa pinakahuling survey, mayorya ang nagnanais na sagutin ni Binay ang alegasyon at humarap sa Senado.
Kung babagsak si Binay, malabo namang umangat si Roxas dahil bistado na ang kanyang kakayahan matapos pumalpak sa mga kalamidad tulad ng bagyong Yolanda na maraming nabiktima.
Hindi makikinabang si Roxas sakaling bumagsak si Binay at posibilidad ay mayroong lumutang na magugustuhan ng mga botante para maging presidente.
Abangan kung ano ang mga susunod na mangyayari sa larangan ng pulitika sa gitna nang napakaagang tensiyon at iringan ng mga pulitiko kaugnay sa 2016 elections.