EDITORYAL - Kahit nakakulong, ‘kalong’ pa rin ng US si Pemberton

N AKA-DETAINED na sa isang airconditioned container van na nasa loob ng Camp Aguinaldo si US Marine Pfc Joseph Scott Pemberton. Si Pemberton ang suspect sa pagpatay kay transgender Jeffrey “Jennifer” Laude noong Oktubre 11 sa Olongapo City. Nilunod umano ng sundalo si Laude sa inidoro. Nagkakilala sa isang bar sina Laude at Pemberton hanggang sa mag-check-in sa isang motel. Natagpuan ng motel staff si Laude na nakasubsob sa inidoro at patay na. Wala na ang Kanong si Pemberton. Nakilala naman siya makaraang makunan ng CCTV habang paakyat sa motel, kasama si Laude.

Maraming kumondena sa pagpatay. Hiniling ng mga kaanak ni Laude na mabigyan ng hustisya ang pagpatay dito. Huwag daw hayaang makaalis ng bansa ang Kano. Kailangang pagbayaran nito ang kasalanan. Hiling na litisin agad ang kaso.

Marami rin naman ang nanawagan na repasuhin ang Visiting Forces Agreement (VFA). Agrabyado ang mga Pilipino sa isinasaad sa VFA na kapag nakagawa ng kasalanan ang mga sundalong Kano, mananatili sila sa custody ng US Embassy. Hindi maaaring ikulong sa pangkaraniwang jail ang suspect. Nakasaad din na dapat ihain kaagad ang kaso sa sundalong Kano at kung hindi ay mawawalan na ito ng bisa. May period ang paghahain ng kaso.

Napahinuhod naman ang US na dalhin sa Camp Aguinaldo ang suspect na si Pemberton. Mula sa sinasakyan nitong Peleliu dinala ng US helicopter si Pemberton sa Camp Aguinaldo noong Martes ng umaga. Mahigpit ang seguridad na pinagkaloob kay Pemberton.

Ang pag-detained sa sundalong Kano sa Aguinaldo ay kinakikitaan na maaaring dumaan sa tamang pro­seso ang paglitis kay Pemberton. May nakikitang po­sitibo. Pero kahit nakakulong sa Aguinaldo, kinakalong pa rin ng US at hindi pina­dadapuan sa langaw. Kahit nakakulong na ang suspect, dapat isulong ang pagrebisa sa VFA.

 

Show comments