SA ISANG BAHAY kung ang dulot mo ay puro problema, malayo ka pa lamang ay pinagsasarhan ka na ng pinto at bintana. Ang isang taong nakatutulong sa pamilyang nasa bahay na yun, tanaw ka pa lamang bukas-palad na siyang tinatanggap at niyayakap para masuklian ang kabutihang kanyang naidulot.
Pinarangalan ng lokal na gobyerno ng lungsod ng Imus ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman at CEO Cristino L. Naguiat Jr. ng isa sa pinakamataas na papuri na maibibigay sa isang indibidwal na malaki ang naging bahagi sa pag-unlad ng lungsod. Kinilala siya bilang “Adopted Son of Imus” noong nakaraang 27th Gawad Parangal ng lungsod na ginanap sa 239th founding anniversary ng Imus, Cavite, ika-7 ng Oktubre 2014.
Ayon sa alkalde ng lungsod na si Mayor Emmanuel Maliksi, siya ay pinarangalan dahil sa malaking naitulong nito sa lungsod. “Isa sa mga tinitingnan para maging ‘Adopted Son of Imus’ ay yung mga programa na ginagawa ng taong iyon para sa mga proyekto ng lungsod. Si Chairman Naguiat ay matagal nang tumutulong sa amin. Hindi pa siya umuupo sa posisyon bilang PAGCOR Chairman ay tumutulong na siya,” wika nito.
Binigyang-diin ng Alkalde ang suportang ibinibigay ng PAGCOR sa lungsod partikular na sa pagpapagawa ng mga school buildings para sa mga pampublikong paaralan sa elementarya at high school. “Ang PAGCOR ay nagbigay ng mga silid-aralan sa mga probinsiya ng Cavite at ang ilan dito ay sa Imus. Laking tulong ang mga school buildings na ito. Dati ang mga batang walang sapat na classrooms ay nag-aaral lang sa mga pasilyo, sa ilalim ng puno at sa covered court. Ngayon, dahil sa mga bagong silid-aralan na naipatayo ng PAGCOR, mayroon na silang disenteng silid na pwedeng gamitin,” paliwanag nito.
Sa kasalukuyan, ang PAGCOR ay nakapaglaan na ng kabuuang 302 milyong piso para sa pagpapagawa ng 162 na silid-aralan sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa probinsiya ng Cavite. Ilan sa mga benepisyaryo ay ang dalawang paaralan sa Imus, Cavite. Ang Cayetano Topacio Elemen- tary School na nakatanggap ng two-storey, four classroom building. Isinasagawa na rin ang four-storey, 20-classroom building sa General Emilio Aguinaldo National High School. Bukod sa pagpapagawa ng mga school buildings, nabanggit din ng alkalde ang suporta ng PAGCOR sa pagbibigay ng trabaho sa mga Caviteños sa pamamagitan ng PAGCOR’s Imus warehouse complex.
Nabanggit din ng Alkalde ang iba pang gawain ng ahensiya na nakatulong sa mga nasasakupan nito.
“Kamakailan lang, ang PAGCOR ay nagbigay ng mga gamit nang sasakyan sa Imus Vocational and Training School (IVTS). Ngayon ay nagagamit na ito nga mga automotive students ng IVTS. Sinusuportahan din ng PAGCOR ang aming mga hakbangin para sa pangangalaga ng kapaligiran sa pamamagitan ng paggamit ng mga metal scraps mula sa mga lumang slot machine stands upang gawing basurahan. Ang mga basurahan na ito ay naibahagi na sa iba’t ibang barangay,” dagdag nito.
Ang mga school desks na gawa rin mula sa mga lumang slot machine stands ay naibahagi na sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa Imus, kasama rito ang Bayan Luma I at Bayan Luma II Elementary Schools, Toclong Elementary School, Regay Day Care Center at Governor D.M. Camerino Elementary School.
Ipinahayag naman ni Chairman Naguiat ang kanyang pasasalamat sa lokal sa pamahalaan ng Imus para sa pagkilala sa papel na ginampanan ng PAGCOR sa pag-unlad ng lungsod.
“Isang malaking karangalan na ako ang napiling gawaran ng parangal bilang ‘Adopted Son of Imus’ sa taong ito. Tinatanggap ko ang parangal ng buong puso sa ngalan ng PAGCOR,” aniya.
Nagpasalamat din siya para sa pag-accommodate ng Imus sa PAGCOR warehouse sa mahabang panahon.
“Bahagi na ng kasaysayan at buhay ng aming ahensiya ang inyong lungsod. Ang Imus ang nagsisilbing pangalawang tahanan ng mahigit 200 na empleyado ng PAGCOR na nagtatrabaho sa Imus complex,” sabi ni Naguiat.
Maliban kay Naguiat, walo pang indibidwal ang kinilala dahil sa pagtagumpay nila sa kanilang napiling larangan habang ginagampanan ang kanilang bahagi sa pagpapaunlad ng lungsod. Kabilang dito si Ambassador Carlos Chan na tinanggap ang Gen. Licerio C. Topacio Award para sa paglikha ng mga trabaho sa mga residente ng Imus. Pinarangalan din si Natividad Darvin-Enriquez ng Gen. Juan Castañeda Award. Si Adora Del Mundo isang guro at ang bumbero na si Leonicio De Vega ay nakatanggap ng Gen. Pantaleon Garcia Award. Sina Leonore Joyse Lacson, Rundell Matthew Mojica at Pamela Mae Parcon ay tumanggap ng Gen. Cayetano P. Topacio Award at Col. Jose S. Tagle Award naman para kay Dr. Webster Alindog.
(KINALAP NI I-GIE MALIXI) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN O MAY PROBLEMANG LIGAL magpunta lang sa 5th Floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd. Pasig City. Maari kayong mag-text sa mga numerong 09213263166, 09213784392, 09198972854. O tumawag sa 6387285 / 7104038. Bukas kami Lunes-Biyernes. Magdala lang kayo ng mga dokumentong may kinalaman sa inyong reklamo. Ugaliing makinig ng CALVENTO FILES sa radyo, ang “Hustisya Para Sa Lahat”. Lunes-Biyernes 2:30PM-4:00PM at Sabado 11:00AM-12:00NN. Sa DWIZ 882 KHZ AM BAND. Makinig din kayo ng programang “PARI KO” tuwing Linggo sa DWIZ 882 KHZ. Mula 9:30-10:30PM kasama sina Fr. Jojo Buenafe, Fr. Jason Laguerta at Fr. Lucky Acuna.
Sa mga taong may problemang medikal, walang kakayahang magpagamot, maari rin kayong lumapit sa tanggapan ng “PUSONG PINOY”, sa parehong address: 5th Floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd. Pasig City, Lunes hanggang Biyernes 9:00 ng umaga. Huwag niyo kalimutang magdala ng photocopy ng inyong ‘Updated Medical Abstract’. Mapapakinggan ang programang “PUSONG PINOY” tuwing Sabado mula 7:00-8:00 ng umaga. Sa DWIZ 882KHZ, AM BAND.