EDITORYAL - Pawang banta na lang ba sa Sayyaf?
NOON pa, laging sinasabi ng AFP na wala nang puwersa ang mga ito sapagkat kakaunti na lamang ang miyembro. Wala na raw kakayahan ang mga ito para maghasik ng lagim. Minsan na ring sinabi ng AFP na hindi na problema ang Sayyaf at wala na rin daw kakayahang mangidnap.
Pero walang katotohanan ang mga pinahayag sapagkat hindi humina ang Sayyaf kundi lumakas pa. Wala pa rin silang tigil sa pangingidnap. Maraming dayuhan na ang kanilang kinidnap at nagkamal na sila ng pera sa mga ito dahil sa ransom. Pero sa kabila na nagbigay ng ransom ang pamilya ng mga kinidnap, itinatanggi ng AFP na walang ransom. Mahigpit na ipinatutupad ang “no ransom policy”. Ayon sa AFP ang pagbibigay ng ransom ay hihikayat lamang sa Sayyaf para mangidnap pa.
Huling kinidnap ng Sayyaf ang dalawang German na sina Stefan Viktor Okonek at Henrike Dielen. Pinalaya sila noong Biyernes sa Patikul, Sulu. Ayon sa report, nagbayad ng ransom ang pamilya ng dalawang German. Pero sabi ng military walang ransom na binigay. Marami namang naniniwala na nagbayad nga ng ransom ang pamilya ng dalawang dayuhan.
Kung nagbayad ng ransom, wala itong ipinagkaiba sa Australian na kinidnap ng Sayyaf noong Disyembre 5, 2011. Ang Australian ay si Warren Rodwell. Pinalaya umano si Rodwell makaraang magbayad ng P4-million ransom ang pamilya nito. Payat na payat at halos hindi makalakad si Rodwell nang makita ng isang mangingisda sa dalampasigan ng Pagadian City. Iniwan sa bangka si Rodwell ng kidnappers makaraang makuha ang ransom.
Hindi naman masisi ang pamilya kung magbayad ng ransom sa takot na patayin ang kaanak na kinidnap. Gagawa sila nang paraan para mapalaya ang kaanak. Hindi nila hahayaang may mangyari sa kaanak.
Sabi naman ng AFP, malilipol din nila ang Sayyaf sa hinaharap. Hindi raw sila titigil. Babagsak din ang mga ito sa kanilang mga kamay.
Sana nga, mangyari ito. Tama na ang banta, tapusin ang mga salot na Sayyaf!
- Latest