MAGANDA ang ginagawa ng Simbahang Katoliko na binabanggit sa bawat misa ang pagpapaalala sa mga tao na mag-ingat sa nakamamatay na Ebola virus. Mahalaga ito para ma-educate ang mamamayan at maiwasan ang sakit. Malaking tulong ito para hindi lumaganap ang sakit. Batay sa report, madaling kumalat ang virus at marami na ang namamatay. Maski sa America ay nakaabot na ang sakit kaya doble ang pag-iingat at pagmamatyag doon ng health authorities sa bawat dumarating na pasahero mula sa Arab at African countries. Nananalasa sa African countries ang Ebola na sa huling report ay sinasabing mahigit 1,000 na ang namatay. May nabalitang namatay na sa Saudi Arabia.
Ngayon ay nagsisimula nang dumagsa ang mga overseas Filipino workers (OFWs) para ipagdiwang sa bansa ang Pasko at Bagong Taon. Nararapat na maging mahigpit ang health authorities sa mga parating na OFWs. Kung maaari ay isa-isang i-check up bago makalabas ng NAIA. Mahirap na kung kailan nakalabas at nakahalubilo ng pamilya saka malalaman na may sintomas ng Ebola. Maaaring mahawa ang mga kaanak. Hindi dapat ipagwalambahala ang sakit na ito.
Ang Ebola virus disease ay tinatawag ding Ebola hemorrhagic fever. Galing sa virus na Ebola ang sakit. Ayon sa report, maraming bansa sa Africa ang may kaso ng Ebola. Kabilang dito ang mga bansang Guiniea, Sierra Leone, Liberia at Nigeria. Sa report ng World Health Organization (WHO) umabot na sa 3,069 ang kaso ng Ebola ngayong 2014 at mahigit 1,000 na ang namatay. Unang natuklasan ang sakit noong 1976 sa mga bansang Sudan at Congo.
Ang mga sintomas ng Ebola ay lagnat, pangangati ng lalamunan, pananakit ng kalamnan at ulo, pagsusuka at pagtatae.
Pinaniniwalaang galing sa karne ng hayop ang sakit kaya paalala ng mga doctor, ang pag-inspeksiyon sa mga karne at lutuing mabuti bago kainin. Maghugas lagi ng kamay. Ipinapayo ang pagsusuot ng protective clothing kung makikisalamuha sa mga taong may sakit na Ebola.
Maiiwasan ang Ebola kung may sapat na kaalaman dito. Nararapat imulat at i-educate ang mamamayan sa sakit na ito.