TERMINATION o resignation?
Ito umano ang dalawang bagay na pinapili kay Netnet hindi pa man daw siya nakakapasok sa isang kumpanyang pinangalanan niyang Ecomoda Marketing Company sa Bagong Barrio, Caloocan City. “Wala pa nga akong schedule at trabaho resignation agad?” mapanuyang sabi ni Netnet.
Nagsadya sa aming tanggapan si Evelyn Layno o “Netnet”, 21 taong gulang nirereklamo niya ang pinasukang Marketing Company na nakita niya sa isang ‘website’ sa ‘internet’, ang Ecomoda Marketing Company. Panganay sa anim na magkakapatid si Netnet. Nakapagtapos siya ng ‘2-year vocational course’ na Hotel and Restaurant Services sa Tremp Information Technical Career Institute, Taytay, Rizal. Iba’t ibang trabaho na ang pinasok ni Netnet. Madalas sa mga Malls bilang cashier. Nitong huli naging kahera siya sa E-Games, Bulacan-Branch.
“Maganda ang kita ko dun, may tip at may ‘night differential’ kaso tinanggal ako ng magkamali ako ng report,” sabi ni Netnet.
Bago pa sibakin si Netnet, naghahanap na siya ng ibang trabaho sa internet. “Malapit na din kasi ako mag-endo kaya nagpasa na ako ng application sa www.ayosdito.com.ph Ecomoda ang una kong nakita,” aniya.
Agad siyang nagtext sa cellphone na nakalagay sa account ng Ecomoda. Nagreply daw agad ang nagpakilalang isang James Flores at ibinigay ang address ng kanilang tanggapan. Nilinaw ni Netnet na nasa E-Games pa siya at patapos na ang kontrata. “Inunahan ko na sila na pagod na ako sa kaka-endo kaya naghahanap ako ng permanenteng trabaho. Sabi niya, ‘Sige subukan mo kung papasa ka… goodluck’,” sabi ni Netnet. Ika-22 ng Agosto 2014, nagpunta sa Bagong Barrio sa Caloocan si Netnet. Nagpasa siya ng ‘resume’ niya sa Ecomoda. Mabilis siyang pinagawa ng kanyang autobiography (in-english). Binigyan siya ng ‘answer sheets’ at dumaan siya sa ‘initial interview’. Hindi pa daw niya natatapos ang pagsagot sa eksam lumapit ang nagpakilalang ‘Zoren’, kinuha ang answer sheets niya at inilabas sa gusali.
“Akala ko may pupuntahan lang kami pero paglabas namin tinanong niya, ‘Dito ka na ba sasakay?’” ani Netnet sabay abot daw ng ‘requirement slip’. Dun nakalista ang mga kakailanganin ipasa ni Netnet kabilang ang Police at Brgy. Clearances, Sedula, TOR, 1x1 at 2x2 pictures. Septyembre 1, 2014 na ng nakabalik si Netnet. Nagkaroon daw ng ‘Orientation’ nung araw na iyon. Sinabi daw sa kanyang makakatangap sila ng P250 habang sila’y on-the-job-trainee (OJT). “Papalo daw sa P20,000 sahod ko kasama OT pero bago ako makapag seminar kailangan ko magbenta ng isang item mula sa listahan ng mga appliances nila. Pag nakabenta pirmahan na ng kontrata,” ayon kay Netnet.
Parehong araw sinubukang magbenta ni Netnet ng Water Mineral Pot na nagkakawahalaga ng P3,598. Sinamahan pa daw siya ng staff na si ‘Venus’. Sa Angono, Rizal sa kakilala na ni Netnet sila nagpunta at nagbenta. “Ayaw bilin ng kaibigan ko yung Water Mineral Pot. Nakiusap ako sabi ko bilin lang niya ngayon pagkasahod ko ako na bibili sa kanya pero ayaw niya talaga ‘di siya nagpadala,” sabi ni Netnet. Desperada na itong si Netnet makapasok sa Ecomoda kaya naman humingi siya ng palugit. Pinayagan naman siya. Sept. 06 nang siya na mismo ang bumili ng item at pangalan na lang ng kaibigan ang pinalabas na bumili. Ika-9 ng Setyembre nang bumalik si Netnet para sa Seminar. Dito niya nakausap si “Joven”, HR Supervisor daw ng Ecomoda at siyang nag-lecture sa kanilang tungkol sa ‘history’ ng kumpanya.
“Ang sabi nila sa amin malawak daw ang pag-iisip namin mga nandun dahil marami daw bumabatikos na scam sila pero imposible daw iyon dahil ang opisina nila mismong building ng Pag-ibig fund,” ayon kay Netnet.
Sinabi umano ni Joven at Prince Lim, isa daw sa mga heads ng Ecomoda na magpa-medical na sa Arcon sa Monumento kung saan sila din ang nag-refer. Nasa P650 din daw ito. May kabigatan kaya’t nagtanong si Netnet kung agad-agad ba itong kailangan. Isa daw ito sa mga requirements nila kaya’t nagpamedical eksamin siya agad. Lumabas namang siya’t fit to work. Sept. 12 unang araw ng kanilang OJT, bigla daw nag-iba ang ihip ng hangin at pinaliwanag sa kanilang walang allowance ang OJT ng Adhesive Training Program 1 o ATP 1. Ito ay mga OJT’s na nasa 3-7 araw ang tagal sa trabaho. Mga ATP2 lang daw ang makakatanggap o yung naswa 8-17 araw ng nagtitraining. Sinabi ring kapag naka-3 sunod na bagsak sila sa eksam pwede silang mag-retake subalit kapag bagsak pa rin saka sila iti-terminate. Tinapos ni Netnet ang eksam ng SSS at Philhealth, Pag-ibig at Payroll. Pasado siya sa SSS at Philhealth subalit binagsak ang exam sa Pag-ibig.
“Sept. 18 ako nag-retake ako sa Payroll exam, 819 items yun tatlong oras kong tatapusin. Sabi nila ite-text na lang nila ako sa result,” ani Netnet.
Dumaan ang dalawang araw wala pa daw siyang natanggap na text kaya’t siya na ang nagtanong kay James. Nagreply daw sa kanya ang isang nagpakilalang Carla Uy, taga HR din daw at sinabing bagsak siya. “Mamili na daw ako kung termination o resignation? Reply ko, wala pa nga akong schedule, kontrata at trabaho termination agad? Tinanong ko allowance ko pero ang reply niya bakit ‘di ko daw agad tinanong yun noon. Porket bagsak lang daw ako saka ako nangkwestyon,” pahayag ni Netnet.
Pinapunta nila si Netnet sa Ecomoda para daw makita niya ang resulta ng kanyang eksam subalit nakaramdam na daw si Netnet na mukhang niloko lang umano siya ng naturang kumpanya kaya’t nagsadya siya sa amin. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, matagal na ang modus operandi kung saan kumuha ng mga aplikante at pinagbibenta ng kung anu-anong appliances para matanggap sa trabaho. Sa dulo ng lahat ng ito wala naman silang balak na kunin kayong empleyado. Anong maaring dahilan sa raket na ito? Ang unang pumapasok sa aming isipan ay meron silang ka- tie up o kabakas na appliance store kung saan malaki ang kanilang kumisyon. Dito sila nakapanloloko ng tao. Madalas nga makikita mo na meron silang maliliit na advertisement sa mga classified ads ng iba’t-ibang pahayagan. Dahil sa kakulangan sa trabaho at sa dami ng gumagraduate kumakagat na ang mga ito. Maliwanag na panloloko na dapat buwagin ng ating mga Law Enforcement Agencies. Kaya naman inirefer namin siya sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento