EDITORYAL – Laganap ang krimen
KAHAPON, nakunan ng CCTV ang pagnanakaw sa isang eskuwelahan sa Quezon City. Kuha ang pagsisilid ng pera sa bag na umaabot umano sa kalahating milyong piso. Walang anumang tinutukan ng baril ang mga empleyado ng school at nilimas na ang kaha ng school. Walang anumang tumakas ang mga kawatan.
Nakunan din ng CCTV ang pagnanakaw ng dalawang lalaki sa isang nakaparadang motorsiklo sa Pandacan, Maynila. Wala pang isang minuto ay tangay na ang motor.
Nakunan din ang pagbubukas sa isang nakaparadang kotse sa Sta. Cruz, Manila at walang anumang tinangay.
Habang maraming nakawan ang nakukunan ng CCTV, marami rin namang insidente ng holdapan sa maraming sulok ng Metro Manila. May nanghoholdap sa jeepney at bus at maski sa mataong lugar gaya ng Cubao, Quiapo, Ayala ay may nabibiktima ng mga kawatan. May mga naaagawan ng cell phone at iba pang pag-aari.
Ang laganap na krimen at nakawan sa Metro Manila ang naging basehan kaya sinibak sa puwesto ang apat na hepe ng pulisya sa Metro Manila kamakailan. Ang apat na police district director na sinibak sa puwesto ay sina Chief Supts. Richard Albano ng Quezon City Police District (QCPD), Rolando Asuncion ng Manila Police District (MPD), Erwin Villacorte ng Southern Police District (SPD) at Edgardo Layug ng Northern Police District (NPD). Ang sumibak sa apat ay si DILG secretary Mar Roxas. Sabi ni Roxas ang pagsibak sa apat ay para mapatindi ang paglaban sa kriminalidad sa Metro Manila.
Nangako naman ang mga pumalit sa kanila na paiigtingin ang police visibility. Magkakaroon daw ng mga nagpapatrulyang pulis. Reresponde raw agad sa mamamayan na nasa panganib.
Sana nga totoo na ito at hindi pakitang-tao lamang. Hindi sana ningas-kugon ang lahat nang ito. Hamon namin kay Roxas, sibakin agad ang hepe na magpapabaya sa tungkulin gaya ng ginawa sa apat na police district directors.
- Latest