PATULOY pa rin sa pakikinig si Jo sa usapan ng magkapatid na sina Princess at Precious. Wala namang kamalay-malay sina Princess na nasa labas lang ng kanilang kusina ang pinag-uusapan nilang lalaki. Nagkakaroon na ng ideya si Jo sa problemang dinadala ng magkapatid. Ang Chester na pinag-uusapan nila ang nahuhulaan ni Jo na nagbibigay ng problema sa magkapatid.
“Kung may kasama sana tayong lalaki rito, hindi tayo mamuroblema Ate, sana narito si Mang Jo,” sabi ni Precious.
“Huwag mo na siyang ipilit dahil wala na siyang pakialam sa atin. Ilang beses ko nang tinawagan nun pero hindi sumasagot. Ibig sabihin, wala na siyang pakialam sa atin.’’
“Subukan mo kayang tawagan uli, Ate. Baka sakali…’’
“Ayaw ko na, Precious. Huwag na tayong umasa sa kanya. Makakatayo naman tayo sa sariling paa.’’
“Bukas, problemado na naman ako dahil baka aali-aligid na naman ang mga alalay ni Chester. Baka magtagumpay na sila sa pagtangay sa akin.’’
Hindi humihinga si Jo habang nakikinig sa usapan. Baka raw magtagumpay na si Chester at matangay na si Precious. Ano kayang gagawin at tatangayin?
“Baka naghihintay lang ng tiyempo sina Chester. Kapag nakalingat ang guwardiya sa school ay papasok at tatangayin ako.’’
“Kaya nga huwag kang lalabas sa school hangga’t hindi pa ako dumarating. Sa loob ka lang maghintay.’’
“Ganun nga ang ginagawa ko Ate.’’
“Kapag may napansin kang kakaiba, sa guwardiya ka magtungo. Kahit paano, matutulungan ka.’’
“Oo Ate. Sige matutulog na ako. Maaga pa akong gigising para mag-aral ng lesson ko.”
“Sige, susunod na ako.’’
KINABUKASAN, sa school ni Precious nagbantay si Jo. Inaabangan niya ang mga lalaking alalay daw ni Chester na balak tumangay kay Precious. Nakikiramdam si Jo.
(Itutuloy)