Pinakamalaking baka sa mundo, nakaligtas sa katayan!

SALAMAT sa kakaibang laki ng isang baka sa Illinois, USA dahil nakaligtas siya sa katayan.

Sa taas na 6 na talampa­kan at 4 na pulgada, hawak na ngayon ni Blosom, isang 13-anyos na Holstein Friesian bovine, ang Guinness World Record bilang pinakamatangkad na baka sa buong mundo. Nalampasan ni Blosom ang dating title holder na may taas lamang na 6 na talampakan at 3 pulgada.

Sa kasalukuyan si Blosom ang pangunahing atraksyon sa bukid na pag-aari ni Patty Hanson.

Nakilala ang kakaibang laki ni Blosom matapos siyang sukatin ng mga beterinaryong regular na nagtsi-check-up sa baka. Napansin nila ang hindi pangkaraniwang taas ng baka kaya naisipan nilang kuhanin ang opisyal na sukat nito na ipinadala nila sa Guinness upang malaman kung may ibubuga ba ang laki ni Blosom kumpara sa ibang world record holder na baka.

Saka nila nalaman na hindi nga talaga pangkaraniwan ang tangkad ni Blosom dahil kinontak sila pabalik ng Guinnes upang ipaalam na nahigitan ni Blosom ang bakang may hawak ng world record.

Makakasigurado naman si Blosom na hindi niya makikita ang loob ng isang katayan sa buong buhay niya. Ayon kasi kay Patty, si Blosom ang sentro ng atensyon sa kanyang bukid dahil dinadayo na ng mga tao para makita ang kakaibang laki ng kanyang alaga.

 

Show comments