Matindi ang babala ng mga awtoridad sa publiko lalo na nga sa mga nagwi-withdraw sa mga automated teller machine (ATM).
Una na rito, iwasang gumamit ng machine na nasa madilim na lugar. Magtiyaga na lang maghanap ng machine kung saan may mga nakadestinong guwardiya.
Marami na ring natanggap na sumbong ang Responde tungkol sa iba’t ibang modus ng mga kawatan na ang tinututukan eh ang mga ATM.
Ang pinakabagong estilo ay nabunyag makaraang madakip kamakailan ang isang driver na naku po, marami na palang banko o ATM ang pinagkakitaan sa Metro Manila at kalapit lalawigan.
Kinilala ang nadakip na isang Vivencio Cruel habang pinaghahanap pa ang kasapakat nito sa modus na isang Erwin.
Alam ba ninyo kung ano naisip ng mga ito sa kanilang modus nang pagnanakaw sa mga nagwi-withdraw sa ATM machine. Dagta ng langka ang ginagamit nilang pandikit na ipinapahid sa aluminum plate na ipinapasok naman nila sa cash dispenser ng ATM. Nasasalo nito ang perang inilalabas ng machine.
Nagtataka ang mga nagwi-withdraw kung bakit walang lumabas na cash gayung nabawasan ang kanilang pera.
Pag-alis ng biktima saka lalapit ang mga kawatan at doon hahatakin nila ang nakadikit na cash.
May pagkakataon namang hindi agad-agad kinukuha ng mga suspect ang nakadikit na cash saka lamang nila ito binabalikan kung may maganda nang pagkakataon.
Ang uutak, hindi ba?
Kaya nga malaking bagay na sa may bantay na ATM na lang kayo magsagawa ng transaksyon. Kasi nga kung palaging may nagbabantay hindi agad-agad nailalagay ng mga kawatan ang kanilang epektos sa loob ng machine.
Marapat din na maging mapagmasid sa paligid kung gumagamit ng ATM, takpan lagi ang inyong pin number, dahil may ilang modus na number n’yo ang ginagamit ng mga kawatan at nawawala ang pera ninyo sa inyong ATM card nang hindi ninyo namamalayan.
May mistulang ‘magic card’ na gamit ang kawatan at ang gagamitin ay ang natuklasan nilang number kaya nakapaglalabas ng cash.
Kaya nga kailangan mamili rin ng lugar sa inyong pagwi-withdraw. Palaging maging mapagmasid sa paligid.