ISANG parrot mula sa California ang nawala sa mga amo nito sa loob ng apat na taon. Nang maibalik ito sa mga amo, nagulat ang may-ari dahil Espanyol na ang lengguwaheng binibigkas ng parrot.
Ang parrot, na nagngangalang Nigel, ay isang African grey parrot at pagmamay-ari ni Darren Chick. Ayon kay Darren, inalagaan na niya si Nigel nang ito ay sisiw pa lamang. Si Darren ay British kaya Ingles ang binibigkas ni Nigel na may kasama pang British accent.
Kaya naman nagtataka si Darren kung bakit sa muli nilang pagkikita ay nag-e-Espanyol na ang alagang nawalay sa kanya ng apat na taon. Sigurado si Darren na ang parrot na ibinalik sa kanya ay talagang si Nigel. Napaiyak pa nga siya nang makitang muli ang alaga. Hindi lang talaga niya lubos na maisip kung paano ito natuto ng Espanyol.
Naibalik si Nigel sa tulong ng isang beterinaryo na may alagang parrot na nawawala rin. Ayon sa beterinaryo, ibinigay sa kanya si Nigel ng mga taong nakakita sa parrot na pagala-gala sa pag-aakalang ito ang nawawala niyang alaga. Nagawa ng beterinaryo na hanapin si Darren sa pamamagitan ng isang microchip na nakadikit kay Nigel kung saan nakalagay ang mga mahahalagang impormasyon ukol sa kanya.