MALAKING bagay ang halloween sa United States kaya naman malaki ang kita ng mga negosyong may kinalaman sa pagdiriwang nito. Nandiyan ang gumagawa ng mga nakakatakot na palamuti para sa bahay at ang mga nagbebenta ng mga costume na ginagamit ng mga bata roon kapag sila ay nagbabahay-bahay para sa taunang trick or treat. Uso rin sa US na gamitin bilang palamuti ang mga inukit na kalabasa bilang lampara kapag halloween. Kaya naman isang magsasaka sa California ang nakaisip na magpatubo ng isang kakaibang uri ng kalabasa na hindi na kailangang ukitin dahil tumutubo na ito na may hugis ng mukha ng sikat na karakter na pang-horror na si Frankenstein.
Inabot ng apat na taon ang magsasakang si Tony Dighera bago niya naperpekto ang pagpapatubo ng mga kalabasang may hugis ng mukha ni Frankenstein. Kinailangan niyang magsaliksik kung anong uri ng kalabasa ang magandang gamitin at kinailangan din niyang magdisenyo ng isang molde na siyang magbibigay ng hugis sa kanyang mga pinatubong mga kalabasa.
Sulit naman ang puhunan ni Tony dahil ang laki na ng kinikita niya ngayon sa pagbebenta ng kanyang mga ‘Frankenstein pumpkins’. Umaabot sa $100 (mahigit P4,400) ang benta niya bawat piraso sa kanyang mga kalabasa. Hindi lang sa US mabenta ang mga kalabasa ni Tony kundi maging sa Middle East at Japan ay may mga order para sa kanyang produkto.
Dahil naging patok ang kanyang kalabasa, pinaplano na ni Tony na gamitin na ang kanyang buong bukid para sa pagpapatubo ng mga ito para sa mga susunod na mga taon.