“PAPA, napapansin kong humihina na ang iyong pandinig. Kapag tinatawag kita, kailangan ko pang ilakas ang aking boses. Ano ang naoobserbahan mo sa iyong pandinig?” tanong ni Bien sa kanyang ama minsang tinatawagan niya ito ngunit kailangan pa niyang kalabitin sa likod para lumingon.
“Matagal ko nang napapansin pero binabale-wala ko lang. Talagang ganoon ang buhay… matanda na kasi.”
Magkaganoon pa man, kinumbinse ni Bien ang ama na magpatingin sa ear doctor. Matapos ang ilang beses din pagpabalik-balik ng ama sa ear doctor kasama ang kanyang ina, kinumusta ito ni Bien.
“Papa, ano na ang nangyari sa pagpapa-check up mo?”
“Itinanong ng doktor kung mahilig akong uminom ng alak. Inamin kong malakas akong uminom. Pinayuhan ako ng doktor na itigil ko na ang pag-inom ng alak kung ayaw kong tuluyang maging bingi pagdating ng araw.”
Tumigil ng pagsasalita ang ama ni Bien. Inaasahan niya ay susundin ng ama ang payo ng doktor pero iba ang sinabi nito.
“Hindi na ako sumagot sa doktor at baka mainis sa akin. Pero sa loob-loob ko lang, bakit ko ititigil ang aking pag-inom e, nasasarapan ako sa alak. Nagbibigay ito sa akin ng magandang pakiramdam at nagpapahimbing sa aking pagtulog. Ako naman ay hindi magulo kapag nakainom dahil ang epekto lang nito sa akin ay mahimbing na tulog. Kapag nakikinig ako ng balita, mas marami pa ang naririnig kong masamang balita kaysa maganda. Ang mga kapitbahay natin, walang pakundangan kung magmurahan. Kung hindi nagmumurahan ay ngumangawa sa karaoke. Buti kung magaganda ang boses, mga sintunado naman. Ang boses n’yo lang mag-ina ang hindi nagpapasakit ng aking pandinig. Kaya, mas pipiliin ko pang mabingi kaysa i-give up ko ang alak.”