SI Chaser ay isang border collie at sinasabing siya ang pinakamatalinong aso sa mundo. Kumpara kasi sa ibang mga aso ay napakalawak ng bokabularyo ni Chaser sapagkat umaabot sa mahigit 1,000 salita ang kanyang naiintindihan.
Ang amo ni Chaser ay si John Pilley, isang propesor ng psychology, at siya rin ang nagturo kay Chaser ng lahat ng salita na kanyang nalalaman. Nagawang matutunan ni Chaser ang napakaraming salita sa pamamagitan ng araw-araw na pagsasanay ni John sa kanya na madalas umaabot ng limang oras.
Sinanay ni John si Chaser sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangalan sa bawat laruan na ibinibigay niya sa aso. Sa pamamagitan ng pauli-ulit na pag-uutos ni John kay Chaser na kunin ang mga laruan at ibigay sa kanya ay unti-unting nasaulo ng aso ang pangalan ng bawat laruan. Nang lumaon ay umabot na sa higit sa isang libo ang mga laruang may pangalan ni Chaser kaya naman lubusang lumawak ang kanyang bokabularyo.
Sa sobrang pagka-memoryado ni Chaser ng mga pangalan ng kanyang laruan ay alam niya kung may nadagdag dito. Naisipan ng isang researcher na subukan ang talino ni Chaser sa pamamagitan ng pagdagdag ng isang bagong laruan sa koleksyon. Binigyan din niya ang laruan ng bagong pangalan at pagkatapos ay inutusan niya ang aso na kuhanin ito. Namangha ang researcher dahil nagawang maisip ni Chaser na ang bagong pangalan na noon lang niya narinig ay para sa bagong laruan na kadadagdag pa lamang sa kanyang koleksyon.
Ayon sa amo ni Chaser, kung ikukumpara ang kanyang aso sa isang tao ay tantiya niyang kasintalino ito ng isang 2-taong gulang na bata. Malaking bagay ang pagkatuklas ng talino ni Chaser dahil ngayon ay nabibigyang pansin na ang mga aso ng mga dalubhasa at mananaliksik na nag-aaral sa angking talino ng mga hayop.