Bahay sa Amerika, pinamugaran ng libong gagamba

ISANG bahay sa Missouri, USA ang inabandona na ng mga may-ari matapos matuklasan na pinamumugaran ito ng libu-libong ga-gamba.

Tuluyan nang iniwan ng mag-asawang Brian at Susan Trost ang kanilang bahay matapos mawalan nang saysay ang ginawang sunod-sunod na pagbobomba ng pesticide doon. Nag-hire sila ng exterminator upang mapaalis ang mga gagambang namamahay doon pero wa-epek.

Napansin nila ang kaka­ibang dami ng mga gagamba sa kanilang bahay ilang araw ma-tapos nila itong mabili sa halagang $450,000.

Akala ng mag-asawang Trost, kailangan lang nilang maglinis ng bahay para ma­wala ang mga gagamba suba­lit ganoon na lamang ang kanilang panghihilakbot nang madiskubreng napakarami pala nito. Halos buong bahay ay may mga gagambang namumugad --- mayroon sa mga bintana, kisame at banyo.

Nanghuli sila ng isang gagamba at napag-alaman nilang brown recluse ang uri nito. Ayon sa kanilang pagsasaliksik, hindi nakakamatay ang kamandag ng brown recluse subalit napakasakit naman ng kagat nito.

Kumuha na ng exterminator ang mag-asawa upang mapuksa ang mga gagamba sa kanilang bahay ngunit nabawasan lamang ang dami ng mga ito at hindi tuluyang nasolusyunan ang problema.

Kaya nagpasya ang mag-asawa na tuluyan nang lisanin ang bahay. Idinemanda rin nila ang pinagbilhan nila ng bahay dahil sa hindi nito pagsasabi sa kanila na mayroon palang problema ang bahay na kanilang ipinagbenta.

 

Show comments