BoC ginagamit sa modus ng mga kawatan

Hindi lamang ang Manila Police District (MPD) ang da­pat na tumugis sa  grupo na mga kawatan na ginagamit ang tanggapan ng Bureau of Customs (BoC) sa kanilang modus at panlilinlang.

Dapat rin itong matututukan ng mismong pamunuan ng BoC dahil nga ang kanila mismong tanggapan ang masasabing ‘ ipinopronta’ ng mga kawatan na ito sa kanilang panloloko.

Marapat rin ang malalimang imbestigasyon at pagtutok dahil baka may ilan sa kanilang tauhan ang nagiging kasabwat ng sindikato.

Ang ganitong modus ay nabunyag ng isang computer programmer ang magharap ng sumbong sa MPD-General Assignment Investigation Section makaraang matangayan ng P120K ng sindikato.

Nauna nang nakita ng biktima sa ads sa internet ang ibinebentang sasakyan na Honda Civic model 2013, naging interisado siya at nakipagkita sa mga suspect.

Sa presyong P400K ay naibaba pa ang presyo sa P350K na pinagdudahan ng biktima kaya hindi kinuha at sa halip ay murang cellphone at laptop na inalok ng mga suspect ang kanyang inorder sa presyong P120K.

Sa madaling salita nagkasundo at sa araw na itinakda isa sa tatlong suspect ang sumundo sa biktima sa tapat ng isang hotel at isinama na siya sa BoC.

Dahil  nasa BoC na sila tiwala na ang biktima na makukuha niya ang order kung saan kinuha na sa kanyan ang P120K at pinaghintay siya para umano magawa ang mga papeles.

Pero sa huli, wala na pala siyang mahihintay dahil pumuga na ang mga suspect dala ang kanyang pera.

Nang tawagan ng suspect ang cellphone ng mga ka-transaksyon hindi na sumasagot ang mga ito.

Ang mga suspect ay nagpakilalang mga empleyado ng Customs. 

Nandyan lang ang mga iyan sa paligid. Magpapalamig lang ang mga iyan, tapos mambibiktima na naman.

Malamang na hindi yan titigil sa ganyan dahil sa malaki ang kanilang kinikita sa kanilang modus.

Babalik at babalik yan kaya kailangang mabuting matutukan.

 

      

 

Show comments