Manong Wen (79)

PASADO alas otso ng gabi ay bumangon si Jo. Kumain ng tinapay at pork and beans. Matapos kumain, nagbihis na siya. Itim na pantalon at itim na jacket ang isinuot. Nagsuot din ng itim na cap.

Lumabas na siya ng bahay. Wala nang tao sa kalye sa ganoong oras. Ganito talaga ang buhay sa nayon. Tahimik na tahimik na. Hindi katulad sa Maynila na halos hindi na natutulog ang mga tao. Pero kahit na ganito katahimik, hindi rin dapat makasiguro sapagkat laganap ngayon ang krimen.  Ang kadalasang gumagawa ng krimen ay mga sugapa sa illegal na droga. At sabi pa nga sa balita, maski karaniwang traysikel drayber ay nagsa-shabu na. Nakakalat na rin sa mga liblib na nayon ang mga nagtutulak ng shabu. Bukod sa shabu, may mga balita rin na may mga sindikatong nangingidnap ng mga menor-de-edad para gawing GRO sa Maynila. Noong nakaraang linggo, nabasa niya ang tungkol sa apat na mga dalagita na ginawang sex slave sa isang KTV bar sa Malate. Na-rescue ng NBI ang mga dalagita.

Nagmadali sa paglala­kad si Jo. Kahit madilim, kabisado na niya ang patungo kina Princess. Maraming beses na rin siyang nagtungo rito kaya kabisado na niya ang daan. Mga 15 minuto lamang lakarin ang patungo kina Princess. Hindi na kailangang sumakay. Isa pa, kung magtatraysikel siya, maaaring marinig ang ingay ng motor.

Narating niya ang bahay nina Princess. Pantay tao ang pader. Kayang-kaya niyang akyatin iyon. Luminga-linga muna siya sa paligid bago inakyat ang pader.

Iglap lang at nasa loob na siya ng bakuran. Dahan-dahan siyang lumakad patungo sa likod. Kabisado na niya ang bahagi ng bahay. Sa likod ay may pinto patungo sa kusina. Laging nakabukas iyon sapagkat doon gumagawa ng bibingka si Princess.

Nakiramdam siya nang makarating sa likod. Bukas pa ang ilaw sa kusina. Gi-sing pa si Princess. Hanggang sa makarinig siya nang nag-uusap. Pinakinggan niyang mabuti. Nag-uusap ang magkapatid.

(Itutuloy)

Show comments