SIMULA pa 2011, nabansagan nang isa sa “worst airport” ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA). At mula noon, wala pang ginawang mala-king pagbabago ang mga kinauukulan sa NAIA para mabura ang taguring “worst airport”.
Ngayong 2014, hindi lang isa sa “worst airport” kundi nangunguna pa ang NAIA. Naungusan ng NAIA ang Charles de Gaulle International Airport sa Paris, Los Angeles International Airport at Bergamo Orio al Serio sa Italy.
Ang nagsagawa ng ranking sa “worst airport” ay ang US website The Cheat Sheet. Ayon sa Cheat Sheet, nirereklamo ng travelers ang NAIA dahil sa masamang pasilidad, masama ang ugali ng mga staff at opisyal at napakahaba at magulong pila. Pero sabi ng Cheat Sheet, may pagbabago o renovation na ginagawa sa NAIA sa kasalukuyan at maaaring senyales daw ito ng “magandang balita” sa hinaharap.
Sa mga nakaraang buwan, maraming pasahero ang nagdanas nang grabeng init o alinsangan sa NAIA sapagkat nasira ang airconditioning system. Halos magmura ang mga pasahero sa sobrang init. May mga hinimatay sa sobrang init. Pero ang naranasang iyon ay ipinagkibit-balikat lang ng pamunuan ng NAIA.
Isa sa mga nirereklamo ay ang mabahong comfort room. Ayon sa mga gumagamit ng comfort room (panlalaki) sa NAIA 3, napakapanghi umano dahil walang tubig. Ganundin naman ng CR sa NAIA 1 parking na pipigilin ang paghinga para hindi masinghot ang mapanghing amoy.
Noong 2013, isang website (Sleeping in Airports) ang nag-rank sa mga airport at isa ang NAIA sa pinaka-worst --- masamang pasilidad, mahabang pila, bastos na staff at aroganteng opisyal at walang upuan man lang para sa mga pasaherong napapagod.
Kung hindi magsasagawa ng pagbabago ang mga kinauukulan, maaaring sa 2015 ay “worst” pa rin ang NAIA. Kakahiya na!