ISANG lawa ang biglang lumitaw sa gitna ng isang disyerto sa Tunisia noong nakaraang Agosto.
Akala ng mga nakatuklas ay namamalikmata lamang sila sa kanilang nakita ngunit totoo talagang biglang nagkaroon ng lawa sa nasabing lugar na dati ay puro buhangin lamang.
Tinatayang nasa isang ektarya ang lawak ng lawa at nasa 10 hanggang 18 na talampakan ang lalim nito.
Nangangamba naman ang iba kung ligtas inumin ang tubig sa lawa dahil naging malabo ang tubig pagkatapos ng ilang araw. Nagbabala rin ang ilang eksperto na maaaring nakakalason ang tubig sa lawa dahil malapit ito sa isang dating minahan ng phosphate.
Kaya naman hinihimok ng mga kinauukulan sa Tunisia ang mga tao na huwag munang maligo sa lawa at sa halip ay hintayin muna na lumabas ang resulta ng pagtesting sa kalinisan ng tubig nito.
Ngunit mabilis na kumalat ang balita tungkol sa bagong tuklas na lawa kaya naman dinagsa ito ng mga tao na hindi nagpapigil sa paliligo rito upang matakasan ang mainit na klima sa disyerto.
Ayon sa mga eksperto, maaaring epekto ng isang paglindol ang biglaang paglitaw ng lawa. Maaring nagkaroon ng bukal sa pag-uumpugan ng mga bato na pinanggalingan ng tubig na bumuo ng lawa sa gitna ng disyerto.