KAHAPON, bumuhos na naman ang ulan at gaya nang dati, sa maikling pag-ulan, baha kaagad sa maraming lugar sa Metro Manila, particular na ang España Blvd., Taft Avenue, Buendia, Pasong Tamo, Mandaluyong area, ilang lugar sa Pasay City at marami pa. Noong Lunes ng gabi, umulan din at bumaha din sa maraming lugar sa Maynila, partikular na ang España at Blumentritt at kanto ng Laon-Laan at Dapitan Sts. Ngayong may bagyo na naman (Ompong), tiyak na bubuhos muli ang ulan at babaha na naman sa Metro Manila. Mas madalas ang pagbaha ngayon kumpara sa mga nakaraang taon. Ngayon, kaunting ulan lang, parang dagat na ang mga kalsada.
Laging sinasabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA) na nililinis nila ang mga imburnal o drainage. Naalis na raw ang mga nakabarang basura. Wala na raw problema kapag umulan sapagkat tuluy-tuloy ang daloy ng tubig.
Pero malaking kasinungalingan ito. Halimbawa na lamang ay ang España Blvd. Mataas na ang España Blvd (tapat ng UST) pero binabaha pa rin. Kaunting ulan lang, baha agad ang España at apektado ang UST kaya laging suspendido ang klase. Noon pa, problema na ang España at hanggang ngayon, problema pa rin.
Malaki ang aming paniwala, na hindi pa ganap na nalilinis sa basura ang mga drainage sa kahabaan ng España at mga katabing kalsada. Maaaring sira rin ang mga culvert kaya walang pagdaanan ang tubig. Kaya kahit na tinaasan ang portion ng España, balewala rin.
Pinakamagandang magagawa marahil ng DPWH at MMDA ay pagbuhusan ng panahon ang pagpapalit sa mga culvert sa España at mga kalapit na lugar. Nangyari marahil sa España, repair lang nang repair sa kalsada pero ang mga imburnal o daluyan ng tubig ay hindi naman pinapalitan. Baka mga durog na ang mga sinaunang culvert kaya wala nang pagdaluyan ang tubig. Pag-aralan sana ito ng DPWH at MMDA.