NANANAWAGAN si Pangulong Benigno Aquino sa mga namumuno sa lokal na pamahalaan na kung gusto daw masolusyunan ang tag-gutom at kahirapan, tuldukan na ang umiiral na “KBL.”
Ito ’yung nakasanayan at sistema na simula pagkabuhay hanggang sa pagkamatay, ang mga putok sa buhong pulitiko, nagbibigay ng ayuda sa kasal, binyag, libing kung tawagin. Sinanay nila ang kanilang mga constituents dito.
Kasama na rin dyan ‘yung mga libreng tuli, tsinelas, school supplies kapag malapit na ang pasukan, medical check-up at mga kauri nito.
Kung saan, ang mga residente sa isang bayan o lalawigan lalapit kay kongresman, gobernador, mayor, kapitan, konsehal at kung sino pang mga talpulano.
Pero ang pagkakabanggit ni PNoy sa “KBL” may pasaltik sa partido ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos. Iniugnay niya ito sa aspetong political o ’yung Kilusang Bagong Lipunan.
Ngayon, umiinit ang ulo ng presidente dahil sa nagpapatuloy na barya-baryang KBL.
Hindi niya yata nakikita na ang pinakamalaking uri ng KBL ay ’yung kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) at Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Na base sa listahan ng mga sangkot, mga “kulay dilaw” ang nangunguna at tumanggap ng mga malalaking pera.
Pero para sa BITAG Live, wala sa kulay o hindi nakasasalay sa kung anong partido ang KBL. Kundi, doon sa kulturang sinimulan at ginawa ng mga putok sa buhong pulitiko.
Kaya, habang papalapit na naman ang eleksyon, pansinin at bantayan ang mga maglalabasang kung ano-anong “libre” sa ngalan ng kanilang “serbisyo-publiko.”
Marami na naman ang mga mangangako. Mayroong mga KBL na pulitiko at mayroon ding mga “panot…sa” na walang ‘sing tamis kung mangako.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.