“NAWAWALA ang aking anak na dalaga!” ito ang nakakabiglang balita ni Robert Gay sa kanyang business partner na si Mitt Romney. Ang anak niyang 14 years old ay dumalo ng Rave sa New York. Ito ay malakihang party na may live DJ, may sayawan at inuman. Tatlong araw na ang nakakaraan ngunit hindi pa ito umuuwi. Isang araw iyon ng 1996.
Si Mitt Romney ang nakalaban ni Barrack Obama sa 2012 US Presidential election. Si Mitt Romney at Robert Gay ay magkasosyo sa kompanyang Bain Capital. Ang headquarter nito ay nasa Boston. Mayroon silang branches sa Chicago, New York, Palo Alto, London at iba pang mga bansa.
Taranta ang isip ni Robert Gay kaya humingi siya ng tulong sa kaibigan. Ipinatigil ni Romney ang operasyon sa New York at inutusan ang lahat ng empleyado na hanapin ang teenager. Kumuha siya ng private investigation firm. Sila ang namuno at nagturo sa mga empleyado kung paano ang tamang paraan ng paghahanap sa missing person. Humingi rin si Romney ng assistance sa sister company ng Bain Capital. May nakatalaga sa pagpi-print ng flyers na idinidikit sa mga poste. Isang kompanya ni Romney ang manufacturer ng shopping bags. Ginamit niya ang kompanya para gumawa ng shopping bag na may naka-print na mukha ng nawawalang teenager at contact information.
Nagbunga ang lahat ng effort ni Romney. Buhay nang matagpuan ang bata sa isang basement ng bahay sa New Jersey ngunit wala ito sa sarili dahil sa overdose ng drug ecstacy. Na-traced ang kinaroroonan nito matapos tumawag ang isang lalaking teenager. Nagtanong ito kung ano ang matatanggap niyang reward kapag naituro niya ang kinaroroonan ng anak ni Robert Gay. Hindi makalimutan ni Gay ang buong pusong pagtulong ng kanyang kaibigan. Sa puntong ito, naipakita ni Romney kung paano siya kumilos at mag-isip sa panahon ng emergency.
Maraming kaibigan ang nanghinayang nang natalo siya ni Obama. Kilala nila si Romney. Hindi siya tumanggap ng suweldo sa buong panahon ng pagsisilbi niya bilang governor ng Massachusetts. Marami pa siyang hinawakang posisyon para maisalba ang ibang kompanya sa pagkalugi ngunit walang suweldong hiningi. Kagaya sa pulitika sa Pilipinas, kung sino pa ang matapat at mahusay, kadalasan ay sila ang hindi nananalo sa eleksiyon. Nakapanghihinayang talaga!