PATULOY ang tensiyon sa Hong Kong dahil sa protest rally laban sa kanilang mga pinuno ng gobyerno.
Maraming Pilipino lalo na ang domestic helpers ang umiiwas sa mga lugar na pinagdadausan ng protesta dahil ayaw madamay sa karahasan.
Pinayuhan na rin ng konsulada ng Pilipinas ang mga Pinoy sa HK na umiwas sa mga lugar na may rally dahil maaring mapahamak sila.
Nagtungo sa HK si Akbayan partylist representative Wal-den Bello at aalamin ang kalagayan ng ating mga kababayan doon.
May karapatan si Bello dahil siya ay chairman ng House Committee on Overseas Filipinos. Pero batay sa ulat, nakikiisa ito sa mga demonstrador at magtatalumpati rin.
Kasama ba sa paglikha ng batas ang pagtatalumpati ni Bello?
Ang masaklap ay kung maghigpit ang mga otoridad sa HK at arestuhin si Bello. Ilalagay na naman niya sa alanganin ang gobyerno at masasadlak na naman sa hindi pagkakaunawaan ng Pilpinas at HK.
Walang masama at malaya ang mga Pilipino na makisimpatya sa HK nationals pero hindi na kailangan pang magtalumpati at personal na makipagbarikada sa lugar.
Panloob na usapin ng HK at gobyernong China ang nangyayari kaya hindi akma na makialam.ang mga Pinoy.
Sana naman ay iwasan ang pag-epal na ilang pulitiko na maaring maglagay ng panganib sa kalagayan ng mga Pilipinong manggagawa sa HK. Baka mainis ang China sa pakikialam ng ilang Pilipino sa rally at buweltahan ang mga manggagawang Pinoy sa HK.