SI Li Guojun, isang magsasaka sa China, ay mahilig sa mga bagay na may kinalaman sa military. Dahil doon, gumawa siya ng sariling tangke na halos walang pinagkaiba sa ginagamit ng mga sundalo.
Sa kabila ng hindi siya inhinyero, nakabuo si Li ng tangke na anim na metro ang haba. Tumatakbo ito ng 20 kilometro bawat oras. Katulad ng mga tangkeng ginagamit ng mga sundalo, kaya rin ng tangke ni Li na tumakbo sa kahit anong topograpiya ng lupa mapa-putik man ito o sementado.
Nagsimula ang pagkahilig ni Li sa mga tangke noong bata pa siya. Dinala siya ng kanyang lola sa sinehan upang manood ng pelikulang tungkol sa digmaan. Noon siya unang nakakita ng tangke at nahumaling na siya.
Hindi gumamit si Li ng anumang manual para sa paggawa ng kanyang tanke. Sa halip, ginaya lamang niya ang kanyang mga laruang tangke hanggang sa mabuo ang life-sized na tangke. Hindi naging madali ang proseso ng pagbuo ni Li ng kanyang tangke at ilang beses siyang nabigo sa paggawa nito.
Ngunit dahil sa pagpupursige, natapos din ni Li ang tangke. Sa kasalukuyan, dalawang tangke na ang kanyang nagagawa. Ipinahihiram niya sa isang kaibigan ang isa sa mga tangke at sabay nilang pinatatakbo linggu-linggo bilang libangan.