‘Naitama na ang mali’

SA lugar kung saan magagarbo at kilalang tao ang madalas makita, isang baho ang umaalingasaw na sumisira sa komunidad na ito.

Kilalang kainan, maraming mga artista ang palaging bumi­bisita. Ito ang Hatch 22 Café and Bakery na pag-aari nina Erwan­ Heusaff, Raymond Magdaluyo, Ivan Zalameda at Peter Ayson. Dito nagtatrabaho bilang kahera si Angelica Nuguid, 23 taong gulang, nakatira sa Sampaloc, Manila. Kwento niya mula nang buksan ito noong Oktubre 22, 2013 ay dun na siya nagtatrabaho. Sabi sa kanya, may matatanggap siyang bene­pisyo at may makukuha pang porsiyento sa sisingiling ‘service charge’. Malaki umano ang café na ito, halos tatlumpu hanggang apatnapung tao ang kakasya sa loob. Ika-16 ng Hunyo 2014 nag-file ng ‘maternity leave’ si Angelica. Isang buwan siyang mamamahinga at babalik sa trabaho ng Agosto 16, 2014. Matapos niyang manganak nung Hunyo 29, 2014, ilang araw ang makalipas nagtungo siya sa tanggapan ng SSS.

“Akala ko may makukuha akong benepisyo pero nang manganak na ako, wala akong natanggap dahil wala raw itong hulog,” ayon kay Angelica.

Kinausap niya ang kanilang HR Manager na si Dyna Esteban. Dahilan nito, kasalukuyan daw silang ‘suspended’ ng SSS. Nangako raw ito na aayusin ang SSS niya at may pinapapunta na raw itong tao sa opisina ng SSS. Hindi tumigil sa kakatanong si Angelica at laging “aayusin namin” ang sagot sa kanya. “Ite-text na lang daw ako kung ano yung mga kailangan para makuha ko ang benepisyo ko,” sabi ni Angelica. Gustong makuha ni Angelica ang kanyang maternity benefit at maayos ang hulog niya sa SSS. Gipit na gipit daw siya at inaasahan niya itong pambayad sa ospital. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag, nakipag-ugnayan kami sa Hatch 22 Café and Bakery­ at nangako naman silang magtutungo sa aming tanggapan upang linawin ang mga akusasyon ni Angelica.  Makalipas ang ilang araw, personal na nagtungo sa amin sina Leo Vergara, ang Manager ng Hatch 22 at ang Human Resources Manager na si Dyna Esteban. “May naging problema lang talaga ang unang namahala nito. Marso 2014 lang ako nalagay sa posisyon,” pahayag ni Leo.

Kasalukuyan din daw nilang ina­ayos ang lahat ng mga benepisyo ng kanilang empleyado at ang pagsasa­ayos ng listahan ng mga dapat hulugan ng kontribusyon sa SSS. Nakausap na rin daw nila si Angelica.

“Sabi naman sa kanya, karapatan niya ang magreklamo kaya ayos lang sa amin yun. Bukas pa rin naman kami sa pagtanggap sa kanya sa trabaho,” wika ni Leo.

“Nagbigay na rin kami ng tseke na nagkakahalaga ng dalawampung libong piso. Kailangan pa kasi na­ming maayos ang lahat ng papeles na kailangang ipasa sa SSS,” sabi ni Dyna.

Nagamit din daw ni Angelica ang PhilHealth nito at tanging ang SSS lang ang nagkaroon ng problema. Dagdag pa nila kakapanganak lang daw ni Angelica at hindi nila maaayos ang lahat ng dokumentong hinihingi ng SSS sa ilang araw lamang. Tinawagan din namin si Ms. Lilibeth Suralbo ng SSS Main Office para alamin ang paghuhulog ng kompanya sa kanilang mga empleyado.

“Hindi po updated ang listahan nila. Nung una dalawang empleyado lang ang hinuhulugan nila. Nitong huli marami pero hindi namin alam kung sinu-sino sila,” ayon kay Ms. Lilibeth.

Nung nakaraang taon din daw ay may mga buwan na hindi nahulugan ang Hatch 22. Nilinaw niya rin na ang kompanya mismo ang humingi ng suspension at na-reactivate lang ito ilang araw matapos magtungo sa amin si Angelica. “Sila ang nakakaalam kung bakit sila nag-fill-up ng form para sa suspension,” sabi ni Ms. Lilibeth.

Agad namang sinagot ito ni Leo na sa pagkakaalam niya, inilipat ang kanilang tindahan mula Quezon City papuntang Rockwell kaya marahil ito ang dahilan. Kailangan na lamang dumalo nina Leo sa seminar ng SSS at bayaran ang mga buwang hindi nila nahulugan kasama ang interes nito.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Angelica.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung sakaling hindi kumilos kaagad sina Leo para isaayos ang problemang ito, magkakaroon sila ng paglabag sa SSS Law o ang RA 8282. Kung sakali na may empleyado sila na maaksidente o mamatay, ka­ilangan nilang bayaran ito agad agad o abonohan ang dapat ay makukuhang benepisyo mula sa SSS.

Hindi namin hangad na pag-awayin ang dalawang panig sa aming programa kaya naman inimbitahan namin ang namamahala ng Hatch 22 upang linawin ang ilang mga bagay. Kinapanayam din namin si Ms. Lili­beth upang malaman nila ang mga hakbang na dapat nilang gawin upang maayos ang SSS benefits ng kanilang empleyado at ipaalam sa kanila ang magiging resulta kung hindi nila huhulugan ng katapat na kontribusyon ng mga nagtatrabaho sa kanila. Kami’y natutuwa at naayos na ang problema ni Angelica at para hindi na humaba pa ang usaping ito. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal mag­punta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.face­book.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Show comments