“Congratulations! Your mobile simcard number had won P3 million pesos during our 10th-year anniversary raffle draw! From *** Charity Foundation Office of the Phils. To claim your prize please call Atty. ***, legal adviser, contact # 09******846. Call me now to avoid forfeiture.”
MAAARING isa ka na sa mga nakatanggap ng ganitong uring text message sa iyong cell phone.
Kung inaakala mong sinuwerte ka dahil nakatanggap ng ganitong mensahe, nagkakamali ka.
Kuwidaw! sa laki kasi ng halagang sinasabi ng kung sinumang talpulanong may pakana ng text na ito, kung ikaw ay sakim at isa ring mapagsamantala, tiyak mabibiktima ka.
Modus ito ng mga kumag na kung anu-anong raffle promo ang gagamiting BITAG para makakubra ng pera sa kanilang pobreng biktima.
Ang kanilang estilo, magsi-send ng text message ng pa-tsamba sa maraming numero. Kapag may sumagot, simula na ang kanilang boladas. Papaikutin ang biktima at hihingan ng malaking halaga ng pera.
Pero bago niya raw muna ito ma-claim, kinakailangan niya raw munang mag-deposito sa money transfer ng processing fee, nakapangalan doon sa putok sa buho.
Gasgas na ang ganitong uring modus. Isa ang BITAG Live sa mga programa sa media na nagbibigay ng all points bulletin, subalit, marami pa rin ang naloloko.
Isa sa mga pangunahing dahilan, partikular sa mga malalayo at mahihirap na lugar ang kasalatan, kasalatan sa buhay at sa kaalaman. Nagbabakasakali na swerte na ang dumating sa kanilang buhay ’yun pala, kalbaryo at kamalasan.
Tandaan. Kadalasan sa mga nagpapadala ng mensahe at nakikipag-ugnayan ay mga “abogado” kuno. Ang iba naman gumagamit ng mga malalaking personalidad sa media. Isa ako si BEN TULFO sa mga paboritong gamitin ng mga kolokoy na nasa likod ng modus na ito.
Kaya babala ng BITAG sa publiko, maging paladuda at ’wag agad magpapaniwala sa mga mensaheng natatanggap ninyo at nagsasabing kayo ay nanalo.
Mabuting magtanong at komunsulta muna sa mga kaibigan at kakilala hinggil sa ganitong text messages upang hindi kayo mapasubo sa anumang mga pakulo at pautot ng mga sindikato!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.