EDITORYAL - Uusad na ang kaso ni Ensign Pestaño
PAGKARAAN ng 19 na taon, humarap din sa korte ang walong Navy officers na isinasangkot sa pagpatay kay Ensign Philip Pestaño. Humarap sa Manila Regional Trial Court Branch 6 ang mga akusado at nag-plead ng not guilty sa murder charges. Dalawa sa akusado ang nananatiling nakalalaya at umano’y nasa ibang bansa na. Nakatakda sa Oktubre 27 ang sunod na hearing. Ang mga magulang ni Pestaño at abogado ay nasa korte.
Naganap ang krimen noong 1995. Deck officer at cargo officer ng BRP Bacolod si Pestaño. Hanggang matagpuan siyang patay sa kanyang cabin. Nasa tabi niya ang isang baril at suicide note.
Subalit pinagdududahan ang suicide note ni Pestaño. Hindi raw iyon ang sulat-kamay ni Pestaño. Mali rin umano ang posisyon ng baril na ginamit ni Pestaño. Lumalabas na hindi nagpakamatay si Pestaño kundi pinatay.
Sampung Navy men ang inakusahang sangkot sa pagpatay. Nirekomenda ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso sa 10 Navy men na karamihan ay mga matataas na opisyal. Ayon sa Ombudsman, may matibay na basehan para madiin ang Navy men sa pagpatay kay Pestaño.
Ayon sa report, pinatay si Pestaño makaraang madiskubre nito na ang ikakarga sa BRP Bacolod ay illegal na troso at 50 sako ng shabu na umano’y pinalalabas na arina. Hindi pinayagan ni Pestaño na maikarga ang mga kargamento kahit na ang mga superior pa niya ang nag-utos.
Pero sa kabila na may matibay na basehan para madiin ang 10 Navy men, halos hindi gumalaw ang kaso. Usad pagong sa bagal. Hanggang magpalabas ng warrant of arrest ang Manila Regional Trial Court sa mga inaakusahang Navy men. Sumuko naman sila. Ayon sa mga akusado, sumuko sila para linisin ang kanilang pangalan.
Ngayon ay may pag-asa nang nakikita sa kaso ni Pestaño. Maaaring mabigyan na ng hustisya ang kanyang pagkamatay. Matagal nang nauuhaw sa hustisya ang mga naulila ni Pestaño at sana, makamit na ito sa lalong madaling panahon. Bilisan na sana ang paglilitis.
- Latest