Manong Wen (70)

“B AKIT, anong nangyari, Precious?” tanong ni Princess sa ka­patid na noon napabunghalit na ng iyak.

“Sinundan na naman ako ni Chester, Ate. Takot na takot ako! Halos magtatakbo na ako!”

Galit na galit si Princess. Talagang ayaw silang lu­bayan ng Chester na iyon. Talagang iniinis siya. Nga­yon ay si Precious naman ang gustong pakialaman.’’

“Ano kaya at magsumbong na tayo sa barangay, Ate. Sabihin natin, na lagi tayong piniperwisyo.’’

Nag-isip si Princess. Puwede ang naisip ni Precious. Pero baka lalo silang inisin ni Chester kapag nagsumbong. Baka lalong ma-challenge at ipagpatuloy ang pang-iinis.

“Huwag muna Precious. Baka lalo tayong perwisyuhin. Huwag muna tayong magpahalata.”

“Pero paano kung sundan na naman ako bukas?”

“Susunduin na kita.”

“Pero nagtitinda ka ng bibingka di ba?”

“Hindi muna ako magti­tinda bukas para maihatid ka.’’

“Salamat Ate. Kasi nang sundan ako  kanina ni Chester, nakasakay siya sa kotse at may kasama sa loob. Parang may binabalak sila sa akin.’’

Gimbal si Princess. Iba na ito! May masamang tangka na si Chester kay Precious.

“Mabuti at hindi ka na­abutan?’’

“Nakapagtago ako sa da­muhan. Nang lumampas sila sa pinagtaguan ko saka ako lumabas at nagtatakbo. Hindi ako tumigil sa pagtakbo.’’

“Kaya pala hinihingal ka.’’

“Oo.”

“Anong kulay ng kotse niya?”

“Pula.’’

“Sa palagay mo kaya ka sinusundan ay para i-snatch o kidnapin?”

“Parang ganoon. Kasi noong naglalakad ako, da­han-dahan silang nakabuntot at para bang nakahanda na ang kasama na bitbitin ako at isakay sa kotse. Para bang yung napapanood sa sine na biglang isinasakay at tinatangay…’’

Nag-isip si Princess. Hindi kaya miyembro ng kidnapping syndicate ang hayop na si Chester? Baka siya ang nagsusuplay ng mga kabataang babae sa mga dayuhan at ginagawang sex slave.

(Itutuloy)

 

Show comments