Kalbaryo sa trapik at baha

Matinding kalbaryo ang inabot ng marami nating kababayan noong nakalipas na Miyerkules matapos na bumuhos ang malakas na ulan pero hindi naman katagalan.

Bumaha sa malaking bahagi ng Metro Manila. Baha na hindi talaga madadaanan kahit pa ng malalaking sasakyan.

Baha na hindi agad humuhupa o nawawala.

At ang kasunod nito, matinding trapik.

Trapik na walang nagmamando kaya nagkakanya-kanya ang mga behikulo. 

Bagamat matagal nang sanay ang marami sa ganitong mga pangyayari, ang tinatanong  ngayon ng  ating mga kababayan eh, ano ba ang solusyon na ginagawa rito ng pamahalaan.

Lagi na lang daw bang ganito?

Lagi na lang bang dapat pagtiisan?

Mukhang hindi naibibigay ng gobyerno ang maayos na serbisyo sa mga mamamayan.

Ano na nga ba ang nangyari sa drainage system? Bakit nga ba konting ulan lang eh baha na? Bakit kaya hindi agad humuhupa ang mataas na tubig.

Sa problema sa trapik, kung kailan buhul-buhol ang mga sasakyan saka walang makitang mga traffic enforcer sa daanan. Resulta nito, nagkakanya-kanya ang mga motorista, nagkakaroon nang mga pagbabara.

Lagi na lang bang tiis at pasensya ang publiko sa ganitong mga kalbaryo?

Kailangang matukoy kung saan ang pagkukulang at kailangan din na umisip ng epektibong paraan ang pamahalaan.

 

Show comments