UPANG ipakita sa mundo ang galing ng kanilang sandatahang lakas, nagsagawa ang Russia ng isang kakaibang karera noong 2013. Sa halip kasi na tao o kabayo ay pawang mga tangke ang nagkarera.
Apat na bansa ang kasali sa kakaibang karera. Bukod sa Russia, nagpadala rin ng kani-kanilang tank crews ang Kazakhstan, Armenia at Belarus.
Ang tankeng T-72B ang gamit na pangarera ng lahat ng koponan. Mag-uunahan ang lahat ng kalahok sa tatlong lap na may tig-aanim na kilometro ang haba. Susubukin ng unang dalawang round ng kompetisyon ang husay ng mga kalahok sa pag-asinta habang tumatakbo nang mabilis ang tanke. Ang huli naman ay susubukin ang mga tank crews sa kanilang galing sa pagmamaneho ng tangke dahil kailangan nilang dumaan sa mga tulay, mga makikipot na daan, at mga lugar na puno ng patibong na kailangan nilang iwasan.
Tagumpay ang isinagawang kompetisyon na pinanalunan ng koponan mula sa Russia.
Umaasa naman ang Russia na magiging mas malaki pa ang mga karera ng tangke na kanilang isasagawa sa mga susunod na mga taon. Ngayong 2014, inimbita ng Russia ang China, India, Venezuela at walo pang bansa upang marami ang lumahok sa kanilang kakaibang karera.