KAHAPON ay tumawag ang aking ina mula sa Australia. Sabi niya: Anak, napanaginipan ko si Ate Diding at Bebe.
Mag-ina si Diding at Bebe. Si Diding ay tiyahin ko. Si Bebe ay pinsan ko. Matagal nang pumanaw ang mag-inang ito.
Nagpatuloy sa pagkukuwento ang aking nanay sa kabilang linya. Ang eksena ay nagkukuwentuhan sila sa labas ng bahay namin sa probinsiya. “Tinatanong ako ni Ate Diding kung bakit daw madilim sa ating bahay? Tapos hindi pa ako nakakasagot, sumali sa usapan namin si Bebe. Ang sabi nito: Oo nga, may bisita pa naman kayo. Paano kayo makakakain n’yan, e, wala kayong kuryente?Hindi ninyo makikita ang pagkain.”
Sa ganoong punto, napahalakhak ako. Napatigil sa pagkukuwento ang aking ina.
“Bakit ka tumawa?” tanong sa akin ni Nanay. Wala nga namang nakakatawa sa kanyang panaginip pero napahalakhak ako.
“May pinapanood lang po ako dito na nakakatawa,” pagsisinungaling ko. Lumihis na sa ibang topic ang aming usapan kaya hindi na naipagpatuloy ang tungkol sa kanyang panaginip.
Napahalakhak ako dahil totoo ang napanaginipan niya. Walang kuryente sa aming bahay. Ipinaglihim namin ito sa kanya. Pinutol ng aming kapitbahay sa probinsiya ang linya ng aming kuryente pagkatapos ng bagyong Glenda.
Nag-apoy daw ito nang ibalik ang power pagkaraan ng isang linggong brown out. Hindi ko ito ipinaalam sa aking ina. Poproblemahin lang niya ito. Kailangan kasing may tao sa bahay kapag pinuntahan ng Meralco.
Kaso walang nakatira sa aming bahay. May ganoon palang panaginip…panaginip na nagsasabi ng totoong sitwasyon.