NOONG 2009, lumubog sa may baybayin ng Australia ang isang bangkang pangisda mula sa Thailand.
Dalawa lamang sa 20 mangingisdang tauhan nito ang nakaligtas. Wala kasing life jacket sa bangka. Nakaligtas ang dalawang mangingisda nang sumakay sila sa isang malaking plastic na lalagyan ng yelo. Dalawampu’t limang araw silang palutang-lutang sa dagat bago nasagip ng isang nagpapatrulyang helicopter mula sa Australia.
Pinagpasyahan ng mga kinauukulan sa Australia na huwag nang isapubliko ang mga personal na detalye ng dalawang survivors pero batay sa impormasyon, taga-Burma ang mga nasagip.
Karaniwang ginagamit na imbakan ng mga isdang nahuhuli ang industrial-sized na lagayan ng yelo ang sinakyan ng dalawa kaya malaki ito. Kasyang-kasya silang dalawa.
Nakatagal daw sila ng 25 araw sa karagatan sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig ulan at pagkain ng mga tira-tirang isda na nahuhuli ng mga ibong dumadapo sa kanilang sinasakyan.
Itinakbo agad ang dalawa sa isang ospital matapos masagip. Bukod sa pagkauhaw at sa pagkakaroon ng sugat at galos sa katawan, maayos naman ang kalagayan ng dalawa kaya mabilis silang nakalabas ng ospital.
Hindi naman makapaniwala ang mga kinauukulan sa Australia sa kuwento ng dalawa. Napakalakas kasi ng bagyong tumama sa lugar na pinagsagipan sa kanila kaya masasabing napakaswerte ng mga ito kung totoo ang lahat ng kanilang inilahad.