ANG Attention Deficit Hyperactive Disorder (ADHD) ang bagong tawag sa ADD. Ayon sa Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders, nahahati sa tatlong kategorya ang mga sintomas ng ADHD: inattentive behavior (hindi makapagpokus), above-normal activity level (hyper) at lack of impulse control (kakulangan ng pagpigil ng urge). Tatlo rin ang uri nito: hyperactive, attention-deficient at ang combined type.
Ang ADHD ay mental disorder kung saan ang indibidwal ay labis ang energy na gumalaw. Hyper o kadalasang mas karaniwang tawag ay malikot, at may mapanirang pag-aasal (disruptive behavior). Ang mga may ADHD ay hirap mag-concentrate, hindi makapaghintay, hirap matapos ang mga gawain, hirap pumirmi sa kinauupuan, hirap kumuha ng attention, sumunod sa panuto, makaalaala ng mga detalye at makontrol na hindi gawin ang mga kagustuhan nila. Sa mga adult na hindi naagapan ang disorder na ito sa kanilang kabataan, sa kanilang pagtanda ay hirap silang makihalubilo sa mga kaibigan, katrabaho, at maging pamilya at lalo na sa mga taong hindi aware sa kondisyon nila.
Sa mga batang may ADHD, karaniwang nagkakaproblema sa classroom setting. Dahil sila ay hyper at hirap mag-concentrate, hindi angkop sa kanila ang controlled classroom set-up at ang karaniwang pamamaraan ng pagtuturong kalakip nito. Kailangan ang espesyal na mga paraan upang sila ay maturuan, gayundin ng mga gurong trained at knowledgeable kung paano iha-handle ang mga batang ganito ang nature.
Mahirap matukoy kung ang bata nga ba ay may ADHD. Unless propesyunal ang mag-oobserba, ang karaniwang labas ng mga batang ito ay malikot lamang, palaaway, problem-child at iba pang mga tawag. Subalit hindi nila alam na isang serious condition ang ADHD, at hindi lamang isang behavioral problem na maituturing, bagamat sa pag-uugali nagmamanifest o nakikita ang mga sintomas.
Ano ang causes ng ADHD? Hindi pa alam ang dahilan ng ADHD bagamat malinaw na may kinalaman ito sa utak dahil sa interaksyon sa pagitan ng neurotransmitters sa brain. At dahil malaki ang papel ng genes sa neurotransmitter activity, itinuturong malaking factor ang genes o lahi sa pagkakaroon ng ADHD. Nariyan din ang environmental factors tulad ng pagkonsumo ng alak at sigarilyo habang nagdadalantao ang ina. Ang diyeta ay isa rin daw sanhi ng ADHD. Sa ilang pananaliksik, natagpuang ang artificial coloring at preservative na sodium benzoate ay nagdudulot ng hyperactivity sa mga bata.
Sa usapin naman ng paggamot dito, wala pang nahahanap na cure sa ADHD subalit maraming paraan upang makontrol ang mga sintomas. Nariyan ang iba’t ibang gamot, stimulants, samu’t saring therapies – psychotherapy, behavioral therapy etc. Ang crucial lamang ay diagnosis, at siyempre ang pinakamahalaga ay ang ma-educate ang mga magulang sa tamang paraan ng pagpapalaki, pagtuturo at pagha-handle sa espesyal na mga pangangailangn ng kanilang anak.