SINGAW sa bibig na naman! Mga 30% ng tao ang magkakaroon ng singaw. Karamihan dito ay ang kababaihan mula edad 16 hanggang 25. Ngunit, kapag lumampas ng edad 55, bihira na ito.
Bakit nagkakaroon ng singaw?
Hindi pa tiyak ang sanhi nito. Kadalasan ay nag-uumpisa ang singaw sa isang sugat sa bibig. Puwedeng dahil sa matalas ang ngipin, may dental braces, matitigas na pagkain, nakagat ang labi, at iba pa. May nagsasabi na baka kulang sa vitamin B at zinc. Posible ding may kaugnayan sa stress, pagkapuyat at maraming trabaho.
Heto ang mga payo para sa singaw.
Umiwas sa maaasim at maaalat. Hindi gamot sa singaw ang calamansi, tawas at asin. Lalo pong lalala ang singaw. Umiwas din sa maaanghang at spicy na pagkain.
Umiwas sa matitigas na pagkain tulad ng banana chips, potato chips, at iba pa.
Piliin muna ang malambot na pagkain tulad ng lugaw para hindi masugatan muli ang singaw. Okay din ang pakwan.
Ang pagkain ng Yogurt 2 beses sa maghapon ay nakapagtatapal sa sugat ng mga si-ngaw. Kahit nasaan pa ang singaw mo, sa bibig, dila o lalamunan, matatapalan ng Yogurt at mababawasan ang sakit.
Bumili ng Solcoseryl Dental Ointment. Ang Solcoseryl Ointment ay pinapahid ng 3-5 beses sa lahat ng iyong singaw. Noong nasubukan ko ito, ang laki pong ginhawa.
Kumunsulta sa dentista. Kung matalas ang iyong ngipin at madalas masugat ang gilagid, patingnan sa dentista para ayusin ito.
Subukang magpalit ng toothpaste. May ibang toothpaste na may halong sangkap na posibleng magdulot ng singaw.
Gumamit ng mouthwash. Ayon sa isang pag-aaral, baka makatulong din ang paggamit ng mouthwash. Napapatay nito ang mga bacteria at mikrobyo sa bibig.
Magpahinga at matulog ng sapat.
Uminom ng multivitamins na may vitamin B at zinc. Wala namang masama sa pag-inom ng vitamins.
Kung may kasamang sore throat o tonsils, puwedeng uminom ng antibiotics, tulad ng Amoxicillin 500 mg 3 beses sa maghapon sa loob ng 5-7 araw.
Kung pabalik-balik ang singaw at napakarami nito, magpa-check up sa isang doktor. Posibleng sintomas lang ang singaw ng iba pang sakit.
Huwag pong mag-alala, gagaling din ang singaw kapag sinunod ang mga nabanggit na payo. Good luck.