‘Yan ang mabuting Ama!

SI Mohammed A. El-Erian, 56,  ang tinutukoy kong mabu-ting ama. Ipinanganak siya sa New York ngunit ginugol niya ang kanyang kabataan sa Egypt, ang bayang sinilangan ng kanyang mga magulang. Bumalik lang sila sa New York dahil ang kanyang ama ay nagtrabaho sa United Nation.

Palibhasa ay matalino, sobrang tagumpay ang naranasan niya sa kanyang career. Marami siyang hinawakang matataas na posisyon sa malalaking kompanya. Noong January 2014, na-shocked ang buong business world na magpasiya siyang magbitiw bilang chief executive officer ng  PIMCO or Pacific Investment Management Company. Ito ay American global investment management firm na may headquarter sa Newport Beach, California, may mahigit na 8,400 empleyado na nagtatrabaho sa 13 offices na nakakalat sa 12 bansa. Upang maimadyin ninyo kung gaano kalaking kompanya ang PIMCO: mayroon itong $2 trillion investment fund. Ibig sabihin, isang higanteng oportunidad ang pinakawalan ni Mohammed nang magbitiw siya sa kompanya. Ang tanong ng marami: Bakit mo pinakawalan ang higanteng oportunidad?

Simple lang ang sagot niya: Aanhin ko ang malaking kikitain kung lalayo naman ang loob ng aking asawa at anak sa akin?

Sa sobrang laki ng kompanya, lagi siyang nasa abroad. Kung nasa bansa naman, abala naman siya sa pagbibigay ng lecture at training program. Nakalimutan niya ang pagiging asawa at ama.

Marahil ay nananadya ang kanyang anak na babae, 10 taon gulang. Hindi ito nagsepilyo isang umaga bago pumasok sa school. Pinagalitan niya ang anak pero sinagot-sagot siya nito. Lingid sa kanya, bago pumasok sa school ang anak, nag-iwan ito ng maikling sulat sa kanya. Nakalista dito ang 22 mahahalagang events sa buhay ng anak na wala siya. Kabilang siyempre dito ang birthday, o mga activities sa school kung kailan dapat present ang mga ama. Biglang nagising ang pagiging “sweet daddy” ni Mohammed. Naisip niyang malaki na pala ang atraso niya sa anak , pati na sa asawa. Nangako siya sa sarili na babawi siya. Hindi pa huli ang lahat. Nagtatrabaho pa rin siya ngunit bilang consultant na lamang.

Kaya doon sa mga pabayang ama tapos magtataka kung bakit nagagalit sa kanila ang kanilang anak, na umaabot sa puntong nawalan na ito ng respeto sa kanila. Simple lang ang paliwanag diyan: Love begets love. Respect is earned, not given.

 

Show comments