EDITORYAL - Iligtas ang mga bata, pabakunahan sila

HANGGANG sa Setyembre 30 na lamang ang libreng bakuna sa mga bata, ayon sa Department of Health (DOH). Pero, marami pa rin sa mga bata ang ang hindi nababakunahan laban sa infectious diseases. Inoobliga ng DOH ang local government units (LGUs) na paigtingin ang kampanya para mabakunahan ang lahat ng mga bata. Tungkulin ng local government na ipaalam sa mga magulang sa nasasakupang lugar na libre ang pagbabakuna sa mga bata. Dapat dalhin ang mga bata sa barangay health center para mabakunahan laban sa polio at tigdas. Marami pa rin sa mga magulang lalo ang mga nasa liblib na lugar ang hindi nakaaalam na may libreng bakuna sa mga bata.

Ayon sa DOH, may 20 probinsiya sa bansa ang masyadong mababa ang bilang ng mga batang nababakunahan hanggang sa kasalukuyan. Ang mga probinsiya ay Tawi-Tawi, Maguindanao, Basilan, Sulu, Oriental Mindoro, Palawan, Dinagat Island, Bohol, Camarines Norte, Leyte, Ilocos Norte, Catan­duanes, Zamboanga del Norte, Aklan, Surigao del Sur, Cebu, Siquijor, La Union at Albay. Sa National Capital Region, dapat paigtingin ang pagbabakuna sa Manila, Makati, Pasay, Muntinlupa at Malabon.

Ayon sa DOH, iba’t iba ang dahilan kung bakit mababa ang bilang ng mga nababakunahan sa mga nabanggit na lalawigan at ilan dito ay dahil sa relihiyon at kultural na paniniwala. Pero dapat daw maging masigasig ang local na pamahalaan sa pagkumbinsi sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak. Huwag daw hayaang matapos ang kampanya na maraming bata ang hindi nabakunahan. Nagsimula ang pagbabakuna noong Setyembre 1.  Nakamamatay ang tigdas kaya dapat mapabakunahan ang mga bata. Dalhin sila sa mga health center.

Show comments