Manong Wen (64)

MULA nang mangyari  ang pagsunod kay Princess ng isang lalaki, hindi na siya nagpagabi. Sinisikap niyang makapag-library nang maaga para huwag nang abutin ng dilim. Pagkatapos ng alas singkong klase niya, magla-library siya ng kalahating oras. Eksaktong 5:30 ay pauwi na siya. Mayroon pang araw kaya maraming pang masasakyang traysikel. Malaking leksiyon sa kanya ang nangyaring iyon. Ayaw na niyang maulit. At malaki rin ang kanyang hinala na si Chester ang sumusunod sa kanya ng gabing iyon. Wala namang ibang tao na mangangahas nang ganoon kundi ang hayop na si Chester. Sigurado siya na si Chester sapagkat malaki pa rin ang pagnanasa nito sa kanyang katawan. Hindi ito nagtagumpay noon kaya gustong ipagpatuloy ngayon. At palagay niya, hindi titigil si Chester hangga’t hindi siya natitikman. Masahol pa sa hayop ang pagkakilala niya ngayon kay Chester. Maaaring gumagamit ng bawal na gamot si Chester. Mabuti na lamang at nakaligtas siya sa hayop. Kung hindi siya nakatakas sa bahay ng mga ito noon, nailugso na ang puri niya. Kawawa naman siya. Wala na siyang maipagmamalaki sa lalaking mapapangasawa niya.

Sa gabi, habang isinasara niyang mabuti ang pinto ng bahay ay hindi niya maiwasang hindi maisip si Mang Jo. Kung sana ay narito si Mang Jo, hindi siya gaanong kakabahan. Ma-lakas ang loob niya kapag kasama si Mang Jo. Parang kayang-kaya siyang ipagtanggol ni Mang Jo.

Kailan kaya sila dadalawin ni Mang Jo? Sabi sa kanya noon, bigla na lamang darating. Kailan kaya iyon?

Naidasal ni Princess na sana sa pagdalaw ni Mang Jo ay magtagal sana ito sa kanila. Mas maganda kung may kasama silang lalaki sa bahay.

(Itutuloy)

Show comments