‘Prinsipyo ng BITAG’

ANUMANG programa sa media o sa mga pribado at tanggapan ng gobyerno, napakahalaga ng integridad.

Ito ang basehan ng kanilang respeto at tiwala sa krusada at adhikain ng isang programa.

Kahapon, Miyerkules, People’s Day ng BITAG. Ito ang araw kung saan bukas ang aming tanggapan sa mga reklamo at sumbong. Ako mismo ang humaharap at kumakausap sa kanila.

Masakit mang sabihin, karamihan sa mga lumalapit sa BITAG, mga maliliit na taong nakaranas ng mga pang-aabuso.

Sila ang mga salat sa buhay, salat sa kaalaman at salat sa pangangailangan na ang huling pag-asa ay magsumbong nalang sa media tulad ng BITAG.

Nitong mga nakaraang buwan, marami kaming mga natanggap na reklamo at sumbong laban sa mga malalaking kumpanya.

May kakayahan silang paikutin ang batas. Kaya nilang tumakbo sa mga tiwali at “nabibiling” media para harangin ang anumang reklamo laban sa kanila.

Hindi na ito bago sa BITAG. Ang totoo, maraming mga lumalapit sa amin. Nag-aalok ng mga advertisement at commercial sa television at radyo.

Magbibigay daw ng tulong-pinansyal para lang mabusalan at mahinto kami sa pagsasalita laban sa kanila.

Kayong mga kenkoy, kumag, kolokoy, hindi nabibili at ipinagbibili ang prinsipyo ng BITAG.

Kapag kayo ay inireklamo ng mga naapi at naagrabyadong pobre sa aming tanggapin, huwag na huwag ninyong aaregluhin ang “namamagitan.”

Kung mayroon man kayong dapat ayusin at aregluhin, yun ay yung mga taong nabiktima ninyo sa inyong mga pang-aapi at pang-aabuso.

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

 

Show comments