Taxi na may disco sa loob, patok sa Colorado
ANG taxi na minamaneho ni Jon Barnes ay kilalang-kilala na sa Colorado dahil sa kakaibang serbisyo nito sa mga pasahero.
Mukhang disco ang loob ng taxi. Kumpleto ang taxi sa makikislap na pailaw at mga malalakas na tugtugin kaya naman aakalain ng sinumang sasakay dito na nasa loob sila ng isang disco club.
Sinimulan ni Jon na gawing parang disco ang loob ng kanyang taxi noong 1983. Baguhan pa lamang siyang namamasada at upang maalis ang pagkainip sa paghihintay ng pasahero, nilagyan niya ang taxi ng isang electronic keyboard na kanyang tinutugtog upang maalis ang kanyang pagkainip.
Dito na nagsimulang magmukhang disco ang kanyang taxi dahil sinundan ang keyboard ng mga pailaw at ng iba pang instrumento sa pagtugtog.
Sa ngayon, gumagamit na ang taxi ni Jon ng mga makabagong teknolohiya katulad ng mga laser na pailaw at computer na nakakabit sa Internet upang magbigay ng kakaibang karanasan sa mga pasahero nito.
Ngayon ay kilalang-kilala na ang taxi ni Jon sa bayan ng Aspen sa Colorado. Sa katunayan nga ay marami ng sikat na mga personalidad na katulad nina Clint Eastwood, George Lucas, at Kevin Costner ang nakasakay na sa taxi ni Jon.
- Latest