SA parehong taon nagsimula akong magbenta ng brownies at cookies sa Moonleaf at Raintree Teapresso. Ito ay dahil sa pang-uudyok ni Mama na dapat huwag akong mahiyang magtanong at i-offer ang aking pastries sa mga café at coffee shops. Doon ako talaga nakabenta dahil regular ang aking pagsu-supply at dahil unti-unti nang nakikilala ang mga produkto ay mayroon na ring mga umoorder ng kahun-kahon.
Taong 2012 nang maganap ang isang major turning point sa aking karera bilang panadera. Enero nang maimbento ko ang tanyag na Nutella Rocks. Kapag binabalikan ko ang alaalang ito ay hindi ko mapigilang mapangiti sa isang maituturing kong happy accident. Isinilang ang Nutella Rocks dahil sa aking pagnanais na gumawa ng dessert na kamukha ng Ferrero Rocher pero kasing chewy ng Mrs. Fields cookies. Nakatatlong subok na ako pero hindi ko mapalabas ang Hazelnut flavor sa aking cookies. Iniiyakan ko na ang pangatlong batch at habang sawi ay pinahiran ko ng Nutella spread ang isang cookie at sinakluban ng isa pa at…. boom! The Nutella Rock was born.
Mayo 2012 nang isali ko ang Nutella Rocks sa Ultimate Taste Test na event ng tanyag na blogger na si Anton Diaz. Ang UTT ay isang event upang magsama ang mga foodies upang makilala at makatikim ng mga bagong pagkaing gawa ng mga aspiring home chefs at bakers. Kumbaga para sa mga nagsisimulang magnegosyo na walang pangkapital upang magtayo ng tindahan, inilalapit ng UTT ang kanilang produkto sa grupo ng mga taong mahilig kumain. Malaking sugal para sa akin sa puntong iyon ang sumali dahil kinailangan kong gumawa ng 1000 samples na ipamimigay para sa mga dadalo na magri-rate sa produkto ko. Walang kita! Puro labas at napakalaking kapital. Hindi ko naman ito pinagsisihan dahil alam kong investment ito para talaga mailapit at maipakalat ko ang aking produkto.
Pinalad ako dahil sa 40 sumali ay pasok ang Nutella Rocks sa top 10 na may pinakamatataas na scores at na-feature sa blog ni Anton Diaz. Doon nagsimulang makilala ang Nutella Rocks ko.
Buong 2013, lalo na nang bumalik ako sa aking Kapuso Network ay naging dahan-dahan ang pagsikat ng Nutella Rocks. Palagi itong may feature sa TV, magazine at newspapers. (Itutuloy)