NOONG nakalipas na Biyernes, minsan pang nalubog sa tubig-baha ang malaking bahagi ng Metro Manila sanhi ng bagyong si Mario.
Bagamat hindi direktang tumama sa Metro Manila ang naturang bagyo, sinasabing nahigop nito ang habagat na siyang nagpatindi sa mga pag-ulan.
Nagmistulang bagyong Ondoy ang mga naging kaganapan at tanawin sa Kalakhang Maynila noong nakalipas na Biyernes.
Bagamat may mga bagong gawang drainage system sa ilang lugar na madalas bahain, aba’y hindi yata nito kinaya ang buhos ng tubig o baka naman talaga lang palpak ang paggawa kaya hindi nabawasan ang matinding pagbaha.
Eto na kinabukasan, pagkatapos ng matinding pag-ulan at pagbaha. Grabe ang mga basura na ipinadpad sa iba’t ibang lugar.
Sa kahabaan ng E. Rodriguez sa lungsod Quezon, dahil sa umapaw ang creek malapit sa Araneta Avenue nang mawala ang baha, ga-bundok namang basura ang kumalat sa kalye.
Grabe talaga, ga-bundok. Ganito rin ang nangyari sa ibang lugar.
Sa Valenzuela City kung saan nagkaroon ng malawakang fishkill, ayon sa BFAR ang sanhi daw eh basura rin.
Sinasabing nalason ang aabot sa 10 metriko tonelada ng mga isda sa mga palaisdaan.
Ang siste pala, ang mga tambak ng basura, dumaloy sa mga palaisdaan sa pananalanta ng bagyong Mario, ayun pati mga isda nangamatay yata sa baho.
Hindi lang basta basura, pati raw ang animal waste, industrial waste at domestic ay nakaapekto rin sa mga isda.
Kung susumahin, basura at basura ang sanhi ng mga matitinding pagbaha.
Marami talaga tayong mga kababayan ang hindi na natuto sa pagtatapon ng basura sa tamang lugar. Kapag naman naningil na ang kalikasan, iba ang pagbubuntunan ng sisi.
Kailan kaya matututo?