PROBLEMA ang baha sa Metro Manila. Kapag bumaha, lahat ay apektado. Hindi gumagalaw ang kalakalan sapagkat lubog sa baha. Stranded ang mga tao. Nakatigil ang mga sasakyan. Walang biyahe. Pati ang mga eroplano, kanselado ang flight. Kagaya nang nangyari noong Biyernes nang muling bahain ang Metro Manila dahil sa habagat na pinalakas ng Bagyong Mario. Labing-isa ang namatay at ilan sa kanila ay nalunod.
Noon pa, problema na ang baha sa Metro Manila. At sa dami na nang namuno sa bansang ito na halos taun-taon ay dinadalaw nang may 20 bagyo na nagdudulot ng pagbaha, walang pangmatagalang solusyon na maisip kung paano hindi magbabaha. Sa tagal nang panahon na laging lumulubog ang Metro Manila, walang magawang paraan kung saan padadaanin ang baha para hindi maapektuhan ang kabuhayan. Walang maisip na paraan kung paano hindi aapaw ang mga ilog at sapa. Titingnan na lang ang pag-apaw ng ilog at pagragasa ng baha sa mga kabahayan habang ang mga tao ay parang mga dagang nag-aakyatan sa bubong ng kanilang bahay.
Pero sabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH), may solusyon na sila sa problemang baha. Hindi raw tumitigil ang Aquino administration sa paggawa ng paraan. Katunayan, marami silang flood control projects na ginagawa at sa 2015 ay matatapos na ang mga ito. Kabilang sa flood control project ay ang nasa Manila Bay Seawall, sa Nangka River sa Marikina, dredging sa Marikina River at sa Manggahan flood way at ang rehabilitasyon sa Tullahan River. Tinatapos na rin daw ang flood catchment project sa Blumentritt.
Ayon sa DPWH, ang mga project ay dating pinopondohan ng DAP pero mula nang ipatigil daw ito ng Supreme Court, humanap sila ng pondo para maituloy ang projects.
Sana, totoong prayoridad ang flood control projects. Sana nga, ito na ang totoong solusyon sa problemang baha sa Metro Manila.