‘May kapit pa rin’

IPINATONG niya ang dalawang kamay sa balikat ni ‘Jun’. Mahigpit naman nitong hinawakan ang kanyang bewang habang sabay silang sumasaliw sa musika sa sayawan… sa isang baryo sa Surigao del Norte.

Sa saliw ng musikang “Faithful Love”, isang instrumental song unang nabuo ang kuryente sa pagitan ni Emma Cadenas, 53-anyos at dating kinakasama na si Teofilo Bregente Jr. o “Jun”, 61 na taong gulang.

Tubong Digos si Emma. Taong 1980 nang magkakilala sila ni Jun, isang sekyu at tubong Davao del Sur.

Nadestino si Jun sa Brgy. Cawitan kung saan nakatira si Emma. Nagbabakasyon si Emma nun sa Cawitan, namamasukan kasi siyang kasambahay sa Maynila.

Sa pista sa sayawan, sa tapat lang ng bahay nila Emma nagkakilala ang dalawa. Kasama nun ni Emma ang pinsan nang lapitan siya ni Jun na noo’y may kasamang kaibigan. “Sayaw tayo…” pag-aya nito.

Mabilis hinila si Emma sa gitna ng ‘dance floor’ at isinayaw sa noo’y tugtog na ‘sweet’.

“Tinanong niya pangalan ko at kung saan ako nakatira. Kinabukasan, hapon dumalaw na siya sa bahay,” pagbabalik-tanaw ni Emma.

Nanligaw si Jun kay Emma at naging sila matapos ang isang buwan. Dise nuebe anyos pa lang nun si Emma, 27 taong gulang naman si Jun. Sa laki ng agwat ng edad nila, tumutol ang kanyang ama sa kanilang relasyon.

“Sabi ng tatay ko baka may asawa na siya. Tinanong ko si Jun sabi niya dati siyang may kinasama sa Davao at nagkaanak, hiwalay na raw sila,” sabi ni Emma.

Nakikipaghiwalay si Emma kay Jun subalit sa halip na lumayo ang ginawa ni Jun tinanan ang babae at dinala sa kanilang barracks.

“Magkita tayo mamayang gabi sa likod ng bahay niyo,” sabi ni Jun.

Alas-diyes ng gabi, dumungaw sa bintana si Emma, nakita niyang nakatayo na dun si Jun, hinagis niya ang kanyang mga damit at saka pasimpleng lumabas.

Nagtanan sila ni Jun. Sa barracks siya nagpalipas ng gabi. Kina­umagahan, habang pababa sa hagdan bitbit ang kaldero nakita na lang ni Emma ang ama na nagkakarpentero sa barracks nila Jun.

“Nataon pa lang may pinagawa kay Tatay dun. Nakatikim ako ng mag-asawang sampal, nabagsak ko ang kaserolang hawak ko,” ani Emma.

Pinauwi si Emma sa bahay subalit pinili niyang makisama kay Jun. Tatlong buwan bago siya bumalik sa ina’t ama. Nagsama sila ni Jun, isang taon makalipas, nabuntis si Emma. Nasundan ang kanilang panganay makalipas ang dalawang taon subalit tatlong araw lang ti­nagal namatay ito.

Nabuntis ulit si Emma dalawang taon lang ang makaraan. Taong 1998, nang mapatay naman ang kanyang panganay sa edad na 15 anyos.

“Paliga nun sa basketball, katatapos lang ng laban nang tambangan siya’t paluin ng dos- por-dos na may pako. Bumaon ang pako sa ulo niya, may natamaang ugat na kanyang kinamatay,” ayon kay Emma.

Hindi nalaman nila Emma kung sino ang humataw sa anak. Sinubukan nilang mamuhay ng normal ni Jun sa Surigao. Unti-unti naman silang nakabangon hanggang dumating ang taong 2009.

Nahuli umano niya si Jun na may ibang babae. Kwento niya, umupa ng kwarto si Jun sa ciudad kung saan siya nadestino. Tuwing Sabado kung siya’y umuwi. Nung minsan ’di umuwi ng bahay si Jun kaya’t si Emma ang lumabas ng bayan araw ng Lunes.

Pagdating dun, naabutan na lang niya ang isang babaeng nakahiga sa kama ng kanyang mister.

“Talagang nagalit ako sa kanya at sa babae niya,” ani Emma.

Nagkaayos naman daw sila ni Jun hanggang sa mismong anak na niyang bunso na noo’y 15 anyos ang nakakita kay Jun at babae raw nito.

“Pinapili ako ng anak ko. Ang papa niya o siya?” wika ni Emma.

Nagdesisyon si Emma na tuluyang iwan si Jun. Lumuwas siya ng Maynila kasama ang anak at nagtrabaho bilang kusinera sa bahay ng isang ‘German national’.

Naiwan naman ang kanyang anak sa pangangalaga ng tiyahin sa Muntinlupa City. Patuloy daw ang komunikasyon nila ni Jun. Nag-aabot pa nga raw ito sa anak paminsan-minsan, ng halagang P500-P1,000.

Pagtagal, nalaman na lang niyang nasa Davao itong si Jun, may bago nang kinakasama at may isa nang anak.  Maliban sa mga text messages, magkaibigan din sila sa facebook (fb) ni Jun. Ika-6 ng Hunyo 2014, nakita na lang niya sa ‘wall’ na patay ang mister.

“May 31 pa nga raw namatay. Ang kwento nila nagsisibak lang ng kahoy tapos bigla na lang na-high blood. Bumalikwas na lang daw siya at ’di na nagising. Dinala siya sa ospital pero ’di na nakaabot…” kwento ni Emma.

Pumunta ng Davao ang kanilang anak para makilibing. Dun nagkita-kita ang unang anak ni Jun at huling anak nito sa bagong kinakasama.

“Maayos ang naging libing ni Jun, walang naging problema,” aniya.

Ang unang anak daw ni Jun ang gumastos sa pagpapalibing. Kaya’t siya raw ang nakakuha ng burial benefits nito sa Social Security System (SSS).

Ang gustong malaman ni Emma kung may habol ang kanyang anak sa pension o ‘death benefits’ dahil isa umano siya sa benepisyaryo ng dating kinasama. Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa aming tanggapan.

Itinampok namin siya ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kasal man o hindi, kung sino ang inilagay ng isang miyembro ng SSS bilang benepisyaryo ang siyang makakatanggap ng benepisyong naiwan ng isang miyembro. Ito ang nakasaad sa batas ng SSS or SSS Law. Ang dapat gawin ni Emma ay alamin kung sino ba talaga ang beneficiary nitong si Jun.

Nakipag-ugnayan kami sa SSS, Main kay Ms. Lilibeth Suralbo ng Media Affairs. Sa kanilang rekord natuklasang hindi pa nagpapasa ng claim sina Emma.

Ang dapat niyang gawin, ay asikasuhin niya ito para lumakad na ang kanyang papel.  Bilang tulong ni-refer namin si Emma sa tanggapan ng SSS para asistehan siya sa kanyang problema.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre Bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento

Show comments