6. You’re Always in my Heart and… Kidney
SAMPUNG tao na ang dumaan sa laboratory testing ngunit wala pa rin lumabas na compatible para maging kidney donor ni Trina. Napaiyak siya. Kasalukuyan siyang naka-confine sa ospital. Nag-ring ang kanyang cell phone. Ang kanyang boyfriend si Joey: “Honey, hintayin mo ako, dadalawin kita paglabas ko sa opisina mamaya.”
Napangiti si Trina. Salamat na lang at may isang lalaking nagmamahal sa kanya. At least, siya ang nagpapagaan at nagpapasaya sa kanya. Dalawang dekada na silang best friend pero one month lang na magkarelasyon. Walang kamalay-malay si Trina na pang-labing isa si Joey na nakatakdang i-test para gawing kidney donor.
May bagyong parating nang gabing iyon kaya halos zero visibility ang nararanasan ni Joey habang nagmamaneho. Pero kailangan din niyang magmadali dahil matatapos na ang visiting hour sa ospital. Ang pagmamadaling iyon ang naging dahilan para makalimutan ni Joey na umuulan at madulas ang daan. Sa isang saglit, nawalan ng preno ang kanyang kotse at bumaliktad ito na parang laruan.
Sa ospital na kinaroroonan ni Trina si Joey dinala ng rescue team. Kahit nanghihina at nahihirapang magsalita, ibinilin nito sa doktor na makaligtas man o mamatay siya, ang kanyang kidney ay ibigay sa kanyang girlfriend.
Sa kasamaang palad ay pumanaw si Joey. Ngunit ang good news, compatible kidney donor siya kay Trina. Pagkalibing ni Joey, ay saka isinagawa ang operasyon kay Trina. Nagtagumpay ang operasyon. Bumalik ang kanyang magandang kalusugan. Ngunit hindi na nagbalik ang gana niya na makipag-relasyon. In fact, wala na siyang planong mag-asawa. Masaya na raw siya sa ideya na ang isang organ ng lalaking pinakamamahal niya ay nasa loob ng kanyang katawan.