NANG manalasa ang Bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009, binaha ang Metro Manila at maraming probinsiya. Ang ibinagsak na ulan ni Ondoy ay pang-isang buwan. Naging dagat ang Metro Manila. Maraming nasorpresa. Maraming nagtungo sa bubong ng kanilang bahay para makaligtas sa nag-aalimpuyong agos. Akala ng iba, katapusan na nila. Hindi nila akalain na aabutin ang ikatlong palapag ng kanilang bahay. Sa isang subdibisiyon sa Marikina, pawang basura ang napadpad sa kanilang mga bahay. Ang mga basura ay kinabibilangan ng mga sirang kama, sirang silyang plastic, sirang sopa at mga plastic bags. Ang kalsada ay hindi madaanan dahil sa nagkalat na sari-saring basura. Hindi lamang sa Marikina, nakita ang sandamukal na basura kundi maging sa Baywalk sa Roxas Boulevard. Isinuka ng alon ang napakaraming basura na isang linggong hinakot ng mga truck. Pawang mga plastic bags, cup ng instant noodles, botelyang plastic, sirang silya, mga lata at marami pang basura na hindi nabubulok.
Malaking leksiyon ang nakuha sa pananalasa ni Ondoy. Kalbo na ang mga bundok at walang disiplina sa pagtatapon ng basura kaya lumubha ang baha. Mga basura ang nasa imburnal at iba pang daluyan ng tubig kaya nahirapang umagos ang tubig. Pawang basura rin ang nasa Pasig River kaya hindi nakaaagos nang normal ang tubig patungo sa Manila Bay.
Pero nang manalasa ang Bagyong Mario, nasorpresa na naman ang marami at nabuhay ang nangyari noong Ondoy. Muling binaha ang Metro Manila at may mga nagtungo na naman sa kanilang mga bahay. Marami na namang nakuhang basura sa Marikina at ganundin sa Baywalk. Walang ipinagkaiba noon at ngayon. Palubha pa nang palubha. Patuloy ang pagbaha dahil walang disiplina sa pagtatapon ng basura.