AYON sa Department of Health, mas masustansya ang gatas ng ina kumpara sa ordinaryong gatas. Hinihikayat ng DOH na unahin ang pagpapa-breastfeed sa sanggol sa unang oras ng panganganak at hanggang sa siya’y lumaki.
Ngunit pagkaraan ng 4 na linggo ay may mga nanay na ang kailangang pumasok sa trabaho. Dahil dito, mayroon tayong mga tips kung paano mag-iipon ng breastmilk ang “working moms.”
Para sa May Trabaho (Working Moms):
1. Pumili ng baso na may malaking bibig.
2. Hugasan ang baso ng sabon at malinis na tubig. Buhusan ng mainit na tubig ang baso para mapatay ang germs. Itapon ang tubig at patuyuin ang baso.
3. Hugasan ang inyong kamay bago mag-umpisa.
4. Ilagay ang hinlalaki at hintuturo sa paligid ng inyong utong at unti-unti itong diin patungo sa inyong dibdib. Para bang dahan-dahan mong pinipiga ang suso sa paligid ng utong.
5. Ilagay ang baso sa mesa at itapat ang inyong suso dito. Hayaang tumulo ang gatas sa baso.
6. Subukan pang pisilan ang iba’t ibang parte ng suso, para dumami ang lumalabas na gatas. Gamitin ang kaliwa at kanang kamay para hindi mangalay.
7. Sa umpisa, maaaring mahihirapan kayo makakuha ng breastmilk. Isang paraan ay ang pagpapadede ng sanggol sa isang suso, habang minamasahe ang kabilang suso para lumabas ang gatas sa baso.
8. Unti-unting sanayin ang sanggol na uminom sa baso. Puwede mo munang padedehin ang sanggol sa inyong suso, pagkatapos ay sa baso naman. Kapag ika’y nasa trabaho, maaaring ibang tao muna ang magbibigay kay baby ng gatas na iyong naipon.
9. Hinihikayat ng ating batas ang paggawa ng breastfeeding stations (lugar na puwedeng mag-breastfeed) para sa mga empleyado ng kompanya.
Puwede kang maglabas ng breastmilk bawat 2 o 3 oras, o kung nararamdaman mong puno na ang iyong suso. Bago ka magtrabaho, mag-ipon ka muna ng gatas para kay baby. Kahit ika’y nasa trabaho, mahalagang mag-ipon ka pa rin ng gatas para sa kakainin ng iyong anak sa pag-uwi mo.
Paano Tinatago ang Gatas ng Ina?
Puwedeng itago ang breast milk sa baso o sa matigas na plastic cup. Siguraduhing malinis ang baso.
Ligtas ang breastmilk sa loob ng 8 oras kung itatago lang ito sa kuwarto.
Kung gagamit tayo ng refrigerator, tatagal ng hanggang 24 oras ang breast milk. Mas ligtas po ito.
Markahan ang baso ng tamang oras kung kailan mo nailabas ang iyong breastmilk. Ito’y para hindi ito mapanis. Kung may ilang baso ka nang naipon, unahin muna ang pagpapainom ng naunang gatas para hindi ito ma-expire. Ito ang tinatawag na “first in, first out.”
Tandaan: Number one ang gatas ng ina. Ang breastmilk ay masustansya, malinis at matipid pa.